Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Female personality malaki ang lugi

0 903

Kuwento ng mga miron ay napakalaki ng nalugi sa buhay ng isang kilalang female personality mula nang magkaroon ng pandemya. Malaking-malaki.

Mahilig kasing mag-ikot sa mga pamilihan ang aktres na ito, lalo na sa mga bazar, kung saan maraming panindang mga kagamitan at pagkain.

Kuwento ng isang source, “Luging-lugi ang lola mo, kasi nga, ipinagbabawal ngayon ang paglabas-labas ng bahay! Kung hindi rin lang naman mahalaga ang lakad, huwag na lang lumabas!

“Ang pinakamalaking lugi niya, e, walang mga bazar ngayon dahil sa social distancing. Paano na ang nakasanayan niyang pag-iikot para sa paglafang niya ng mga itinitindang food?

“Naging ugali na kasi niya ang ganu’n, kapag may mga tindang kakanin, tikim siya nang tikim! HIndi naman siya bumibili, tikim lang siya nang tikim!

“Kilalang-kilala na siya sa mga bazar, kapag dumarating nga siya, e, parang gusto nang itago ng mga tindera ang mga paninda nilang food!

“Kasi nga, e, titikman lang na naman niya nang titikman ang mga kakanin, pero hindi naman siya bumibili ng kahit isang hiwa lang!” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

Mapagharimunan kasi ang babaeng personalidad, kung puwede niya namang makalibre, bakit pa siya maglalabas ng pera sa kanyang bulsa?

Patuloy ng aming source, “Kahit sa linya ng trabaho niya, e, ganu’n din ang ginagawa niya! Darating siya sa set na may dala-dala na siyang plastic bin, du’n niya inilalagay ang mga pagkaing iniuuwi niya mula sa catering.

“Naging ugali na niya talaga ‘yun, hindi siya nahihiya, kesehodang kilala siya ng mga kababayan natin. Bakit naman hindi siya makikilala, e, meron pa nga siyang korona sa ulo, di ba?

“Hindi na niya talaga maiwasan ang nakasanayan niya, namumula ang hasang niya kapag nakakakita siya ng mga lafang! Ikinaliligaya niya ang pagbubukas ng mga bazar, kasi nga, meron na naman siyang puwedeng tikmang mga kakanin!” humahalakhak na pagtatapos ng aming impormante.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Keanna, Jen ‘di magka-level

Ayan, sa katatanong ni Jennylyn Mercado kung saan nagpunta ang trilyon-trilyong pisong inutang ng Pilipinas para maipang-ayuda sa panahon ng pandemya ay nakahanap tuloy siya ng mga kalaban.

Kumbaga sa boksing ay hindi sila magkatimbang ni Keanna Reeves pagdating sa popularidad, pero nakatikim siya ng boldyak mula sa sexy star, wala nga namang malaking nakapupuwing.

Pinayuhan din si Jennylyn ng mas may alam tungkol sa mga rekotitos ng pamahalaan na si Arnell Ignacio na kung puwede ay huwag na niyang pasukin ang balwarteng wala naman siyang alam.

Kung gusto raw maliwanagan ng aktres tungkol sa pagkakautang ng gobyerno ay naka-post naman ‘yun sa website ng ating pamahalaan, pero ang tanong nga ni Keanna Reeves, maiintindihan naman daw kaya ‘yun ni Jennylyn?

Natural lang na magtanong si Jennylyn, karapatan niya ‘yun bilang isang Pilipinong nagbabayad ng kanyang buwis, hindi maituturing na krimen kung usisain man niya kung saan napunta ang trilyones na pagkakautang ng gobyerno.

Pero hindi lahat ay makauunawa ng pagtatanong ni Jennylyn, binubuo ng mga paksiyon ang ating bayan, kaya natural lang na ang mga makagobyerno ay manunupalpal sa kanya.

Ang nagulat kami ay sa tanong ng isang kaibigang tumawag sa amin, ang kanyang sabi, “Wala bang pinagkakaabalahang trabaho si Jennylyn Mercado? Bakit may sobra-sobra siyang panahon para itutok ang oras niya sa mga puwede niyang pansinin tungkol sa gobyerno?

“Sumosobra na ang mga itinatanong niya, sinasaklawan na niya pati ang mundong hindi niya naman naiintindihan, makapamansin lang siya!

“Tama na ang pagpapa-profound, tama na ang pagpapakalalim, lalo na kung she’s not doing naman her research,” payo ng aming kausap.

Leave A Reply

Your email address will not be published.