Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Female personality manhid sa mga purdoy

0 202

Totoong may mga taong tinatawag na may kabal sa katawan. Sila nag mga taong saktan mo man nang pisikal ay parang wala na silang nararamdaman. Manhid na sila.

Kung pisikal na sakit nga ay hindi na nila pinapansin, ang masasakit na salita pa kaya, walang-wala na sa kanila ang mga komentong lumalatay.

‘Yun mismo ang naging paksa ng mga nagpipista sa isang lock-in taping. Naging sentro ng kanilang kuwentuhan ang isang female celebrity na wala pa ring katigil-tigil sa pagbabando ng kanyang kayamanan sa publiko.

Kuwento ng aming source, “Pinasadahan kasi ng isa naming kasama ang mga posts niya. sabi nu’ng nakakita, ‘Wala talagang kadala-dala ang babaeng ito! Kung kailan pandemya, kung kailan naghihirap ang mga kababayan natin, saka naman siya post nang post ng mga kayamanan niya!’

“Siyempre, na-curious ang mga nandu’n, nakiusisa na rin sa IG account nu’ng girl! Oo nga naman, nakakainis nga namang makakita ng mga ganu’ng posts!

“Sana naman, e, maging sensitive siya sa mga nangyayari sa buong mundo ngayon, hindi lang dito sa atin, dahil laganap ang kahirapan! Maraming nawalan ng trabaho, hindi lang marami, milyun-milyon!” unang komento ng aming impormante.

Nagkakaisang opinyon ng mga nandu’n ay hindi lang sana ang babaeng personalidad ang maging sensitibo, maging ang mga taong nakapaligid din sa kanya ay maging balat-sibuyas din sana sa mga kaganapan, para sabay-sabay silang magising sa katotohanan na hindi napapanahon ang pagyayabang sa mga panahong ito.

Sabi uli ng aming source, “Pinababayaan kasi nila ang pagyayabang nu’ng babae, walang nagpapayo sa kanya na manahimik, dahil habang naghihirap ang buong bayan, e, enjoy na enjoy naman siyang nagpapamarali ng mga kayamanan nila!

“Para kasing hindi naman siya kayang pagsabihan, parang bingi naman siya sa kahit ano, kaya tama ang observation ng lahat na meron na siyang kabal sa katawan!

“Naku, ang mga tao nga namang ngayon lang nakatikim ng kaginhawahan sa buhay, maiingay! Mayayabang! Walang pakialam kung nagugutom man ang milyun-milyon nating kababayan! Pak!” napapailing na pagtatapos ng aming impormante.

-o0o-

Arci balik-ganda

Tinututukan namin ang seryeng “Walang Hanggang Paalam.” Bumabaklas lang kami sa programa at lumilipat sa CNN at TV5 kapag nagkokomersiyal sila.

Magagaling kasi ang kanilang mga artista, bumibida sa serye sina Paulo Avelino at Angelica Panganiban, pero magagaling din sina Zanjoe Marudo, Cherry Pie Picache, JC Santos, Ronnie Lazaro, Tonton Gutierrez at si Arci Munoz na tututukan namin ngayon.

Nang ipatanggal ni Arci ang mga ipinadagdag sa kanyang mukha ay bumalik ang natural niyang ganda. Ikinukumpara na siya nu’n ng mga bashers sa pumanaw na Pop Icon na si Michael Jackson.

Kumapal ang kanyang labi, nagmamalaki ang sumobra sa tangos niyang ilong, at kung anu-ano pang ipinabawas-ipinadagdag niya sa kanyang itsura.

Pero nang ipaalis na ‘yun ni Arci Munoz ay bumalik na ang dating Arci na una nating nakita, lumambot na uli ang kanyang ganda, hindi tulad nang sumailalim siya sa iba-ibang proseso na nagmukhang matapang siya.

At ang galing-galing niyang umarte, puwede siyang ilaban nang sabayan sa drama, lalo na sa action. Dinadala niya nang kapani-paniwala ang pagiging miyembro ng isang institusyong nagpaparusa sa mga tiwali, pero sa madadramang tagpo ay lumalaban siya nang parehas kina Paulo Avelino, kahit kay Angelica.

Nu’ng Biyernes nang gabi ay nag-iwan ng marka ang pagganap ni Arci Munoz habang sinusumbatan niya si Angelica na nang-iwan kay Paulo at nakipagrelasyon kay Zanjoe sa istorya.

Inangkin ni Arci Munoz ang entablado sa kanyang monologue habang umiiyak, panalung-panalo ang eksenang ‘yun kaya hindi lang basta maganda ang dalagang ito, isa siyang aktres.

Leave A Reply

Your email address will not be published.