Abante Tonite Interactive

Female personality nag-iilusyong pinapadalhan ng bulaklak

529

Totoo ang mga kuwentong lumulutang na hanggang maaari ay ayaw na ayaw nang makipagkomunikasyon pa ng isang pamosong male personality ang isang sikat na babaeng personalidad.

Iwas na iwas na siya. Takot na takot na rin. Ayaw na niyang makaladkad pa ang kanyang pangalan sa mga arya ng sikat na female personality.

Kuwento ng isa naming source, “Nu’ng one time, may meeting sana ang male personality sa isang five-star hotel. Pero nu’ng ipa-check niya sa kanyang assistant kung nandu’n na ang mga kamiting niya, e, nalaman niyang nandu’n din pala ang female personality.

“Napakabilis ng naging decision niya, hindi naman siya nagpalipat sa venue ng meeting, pero sa kabilang door ng hotel siya dumaan, ‘yung hindi siya makikita nu’ng female personality!

“Alam na niya kasi ang puwedeng mangyari, e. Palalabasin na naman ng girl na hindi chance meeting lang ang nangyari kundi date nila!” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

Dalang-dala na pala kasi ang male personality, palagi na lang siyang idinadamay ng female personality sa mga kuwentong kababalaghan, ayaw na niyang maulit pa ‘yun.

Patuloy ng aming source, “Nagugulat na lang kasi siya kapag may mga tumatawag sa kanya, nagtatanong kung totoo bang nagpadala siya ng flowers sa girl!

“E, wala naman siyang kaalam-alam tungkol du’n, wala siyang ipinadadalang kahit isang tangkay ng bulaklak, pero siya ang sinasabing nagpadala ng napakaganda at fabulous na flower arrangement sa girl!

“Hindi rin totoong nagkakausap sila, walang ganu’n, isang direktang relative lang niya ang nakakausap ng girl. Ayaw na niya ng kahit anong communication pa sa babaeng ‘yun, ayaw na niya!” nakataas pa ang kilay na pagtatapos ng aming source.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Asawa ni Terrence ayaw magpakaepal

Sa dalawang magkasunod na panalo ng SMB kontra sa TNT Katropa ay ka-text namin ang misis ng magaling na basketball player at pambato ng SMB na si Terrence Romeo.

Paminsan-minsan lang nanonood ng laro ng kanyang mister si Pia Romeo, ang kanilang anak lang ang palaging nanonood kasama ang mga yaya nito, sa bahay lang nila sa Forbes Park tumututok si Pia.

Kinakantiyawan namin si Pia kapag nakaka-three points si Terrence, ang palagi niyan sagot, “Salamat po, Nanay. Thank God.”

At kapag lumalamang na ang SMB at nangangamoy-panalo na ay naghahanda na ng masarap na dinner si Pia, siya mismo ang nagluluto ng pagkain ng kanyang asawa, mahirap na raw dahil baka may iba pang magluto ng food para sa magaling na basketbolista.

Milyonaryo ang pamilya ni Pia Romeo, pero tanggap na tanggap ng mga ito si Terrence, kasal sila at may isang anak nang napakaguwapo na halo ang itsura sa kanilang mag-asawa.

Suportado ni Pia ang basketball career ng kanyang mister, maayos ang kanilang relasyon, napakasimple ng misis ni Terrence.

Nang una namin siyang makilala sa set ng Take It Per Minute, Me Ganu’n! dahil mahal din siya ni Manay Lolit Solis ay isa lang ang kanyang ipinakiusap, ang huwag ilabas ang mga picture na hindi niya naman ipinagdamot na makunan, dahil si Terrence Romeo lang naman ang celebrity.

Ganu’n siya kasimple, hindi siya umeeksena, hindi siya nakikipag-agawan sa limelight sa sikat niyang mister. “Sa background lang po ako, supporter lang ni Terrence,” sabi pa ng magandang misis ng basketball player.

Mayabang na player pinagmumulta

Kagabi ay ginanap na ang Game 6 sa finals ng PBA. May resulta na kung nakatabla ba sa 3-3 ang TNT Katropa o nagkampeon na ang SMB.

Ang pinakapinagpipistahang balita ngayon ay ang pagpapataw ng P200,000 sa may kayabangang player ng SMB na si Arwind Santos dahil sa ginawa niyang monkey gesture patungkol sa import ng TNT na si Terrence Jones.

Bukod sa multa ay kailangan ding sumailalim sa isandaang oras ng community service si Arwind, inaatasan din siyang kumuha ng seminar para maging malinaw sa kanyang utak ang importansiya ng equality at racial discrimination, isang napapanahong aksiyon ng pamunuan ng PBA laban sa basketball player na ito na nang magsabog ng kahanginan ang himpapawid ay napakaraming nasambot.

(Cristy Fermin)