Abante Tonite Interactive

Female personality nagmaldita sa airport

876

Masamang-masama pala ang loob ng isang grupo ng kababayan nating nanggaling pa sa isang malayong probinsiya sa isang pamosong female personality na nakasabay nila sa airport.

Tuwang-tuwa pa naman ang grupo dahil nakita nila nang malapitan ang female personality, pero ang kanilang kasabikan at katuwaan ay napalitan ng inis, dahil sa ipinakitang kamalditahan sa kanila ng female personality.

Kuwento ng aming source, “Alam naman natin kung gaano kasaya ang mga kababayan natin kapag nakakakita sila ng mga artista. Hindi sila
makapagpigil sa tuwa!

“So, nu’ng makita nila ang girl, e, makikipag-selfie sana sila, pero tiningnan sila nang matalim ng girl, parang hindi gusto ang kanilang gagawin.

“Nagpaalam pa nga ang isang kasamahan nila sa girl, hindi naman sila basta-basta lumapit lang, nirespeto nila ang female personality.

“Pero tinitigan lang ng girl ang kababayan nating nagpasintabi sa kanya, as in, ni hindi siya kumibo! Basta, matalim ang tingin niya, para siyang mangangain!

“Bumalik na lang ‘yung nagpaalam sa mga kasamahan niya, ayaw raw magpa-picture nu’ng girl sa tabi nila, basta! Siguradong narinig ng girl ang sinabi ng isang binigo niya, ‘Napakasuplada naman pala ng artistang ‘yan! Kaya naman pala siya iniiwan ng mga boyfriend niya!’

“May isa naman sa grupo na nagsabi ng ganito, ‘Ang ganda-ganda pa naman ng aa &%#?!* naman pala siya!’ Naku, inis na inis sa kanya ang grupo, picture taking nga lang naman kasi na hindi naman matagal, pero inisnab pa sila?” kuwento ng aming impormante.

Maraming nagpapatotoo na sumpungin ang female personality na ito, mahirap ispilengin ang kanyang ugali, ‘yun din siguro ang dahilan kung bakit siya ipinagpalit sa iba ng boyfriend niya.
***
Pagkaway nina Alden, Kathryn isiningit
Gusto nang hilahin palapit ng mga tagasuporta nina Alden Richards at Kathryn Bernardo ang July 31. Sana raw ay katapusan na ng buwan ngayon para mapanood na nila ang Hello, Love, Goodbye.

Kuwento sa amin ni prop, “Pati ang mga estudyante ko, ‘yung movie nina Alden at Kathryn ang pinagkukuwentuhan. Meron na silang schedule ng panonood, kinikilig pa sila!

“Napapangiti ako nang palihim, kung alam lang nila! Tulad nila, e, panonoorin ko rin ang movie nina Alden at Kathryn!” tawa nang tawang kuwento ng kaibigan naming propesor.

Marami kaming regular na tagapanood ng Cristy Ferminute sa FB Live ng Radyo Singko na nagtatrabaho sa Hong Kong. May kani-kanyang istorya sila, marami sa kanila ang nagtatrabaho bilang sales ladies sa Mong Kok sa Hong Kong side.

Ang iba naman ay nasa Kowloon side, sa mga hotel sila nagtatrabaho, ginagawa nilang tulay ang pagtatrabaho sa Hong Kong para makarating sila sa Canada.

Nakita nila nang personal sina Alden at Kathryn nang mag-shooting sa Hong Kong, hindi lang sila makalapit sa kanilang mga idolo, dahil kay Direk Cathy Garcia-Molina na mayhawak na megaphone at sigaw nang sigaw na hindi sila puwedeng lumapit at huwag silang maingay.

Pero marunong gumawa ng paraan sina Kathryn at Alden para mapaligaya ang mga tagahanga nila. Sa pasingit-singit na pagkaway sa mga kababayan nating nagkikita-kita sa Central Park ay napasasaya na nila ang mga OFW.

Inirekomenda nila sa kanilang mga pamilya dito sa Pilipinas na panoorin ang Hello, Love, Goodbye. Sa pamamagitan daw ng movie nina Alden at Kathryn ay malalaman ng kanilang mga kapamilya kung gaano kahirap ang mapalayo sa kanilang mga mahal sa buhay.

Magaling ang Star Cinema sa paggawa ng mga pelikulang may suntok sa puso. Pangingitiin ka sa una pero sa bandang huli ay mangangailangan ka na ng tuwalya dahil makikiiyak ka na sa kanilang mga bida.
(Cristy Fermin)