Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Female personality nagpapatay sa serye

0 358

Ang pagkaburyong dahil sa walang habas na pagtatrabaho ay kakambal ng buhay ng mga artista. Hindi nila gustong magsuplada, tawag ‘yun ng kawalan ng tulog at pahinga, kaya kung minsan ay nagkakaroon sila ng sariling mundo.

Kapag sinabing may sariling mundo ay walang kilala ang artista. Hindi siya kumikibo, hindi nakikigrupo sa kanyang mga katrabaho, mundo lang niya ang sinesentruhan niya.

Kuwento ng aming source, “Ganu’n ang nangyayari talaga kapag kulang sa tulog ang personality. Kapag lagare ang trabaho niya, pakakawalan siya nang umaga na sa unang work niya, uuwi lang siya para makapaligo.

“That same day, takbo naman siya sa isa pa niyang trabaho. Idlip lang ang nagawa niya, dahil magiging cause of delay na siya kapag natulog siya nang sapat.

“Pagdating niya sa set, bagong gising lang siya, sinamantala niya ang biyahe, umidlip uli siya. Sabi nga, e, magbiro na tayo sa lasing, huwag lang sa bagong gising.

“So, may sariling mundo na ang artista, wala na siya sa mood na makipag-usap sa kahit kanino sa set, dahil nagmamakaawa nga ng tulog at pahinga ang katawan niya,” unang pasada ng aming source.

Ganu’n ang pinagdadaanan ng isang kilalang female personality. Marami siyang trabaho, may mga TVC shoot pa siya, halos wala na siyang pinakikinabangang araw para naman sa sarili niya.

Kuwento uli ng aming source, “Madalas na napagsasabihan siyang maldita. Bihira lang daw kasi siyang ngumiti. Palagi siyang parang nakalutang.

“Ang totoo, e, nice ang babaeng ‘yun, kahit tanungin n’yo pa ang mga nakatrabaho na niya, walang mapipintas sa kanya. Kaya lang, dahil sa sobrang pagtatrabaho, e, talagang sumusuko na siya!

“Ang dami niya kasing endorsements, nagsasayaw pa siya sa isang variety show, kinakain pa ng rehearsal ang time niya. At may serye pa siya na iyak siya nang iyak! Paano na?

“Kaya siguro nagpapatay na siya sa serye para magkaroon na siya ng time para sa sarili niya,” napapailing na lang na pagtatapos ng aming impormante.

Janella Oktubre 20 nanganak

Napanood namin nang buung-buo ang detalyadong vlog ni Janella Salvador mula nang ipaglihi at ipanganak niya ang kanilang anak ni Markus Paterson na si Baby Jude.

Isa lang ang naiwanang emosyon sa amin pagkatapos—isang sinserong pagsaludo kina Markus at Janella, napakasuwerteng bata sa pagkakaroon ng mga responsableng magulang na tulad nila.

Mula nu’ng lumipad na papunta sa UK ang magkarelasyon ay araw-araw nilang ibini-video ang kalagayan ni Janella. Ang pagpunta nila sa ospital para sa regular na check-up ng ina, ang paglaki ng sanggol sa kanyang sinapupunan, hanggang nang malaman na nila ang kasarian ng kanilang anak.

Marami nang nadududang nagdadalantao ang young actress, lumobo kasi ang kanyang mukha, sa kanilang mga inilalabas na larawan ay hanggang sa dibdib lang ang pagpo-pose ni Janella.

Hanggang sa dumating ang takdang oras ng kanyang pagsilang, October 20, parang pusang hindi maihi si Markus nang pumasok na sa delivery room si Janella.

Makahulugan ang sinabi ng aktor na anuman ang mangyari, saanman sila makarating, ay ipaglalaban at poproteksiyunan nito ang kanilang anak ni Janella.

Nasa punto ng tagumpay si Janella nang magdalantao. Pero iniwanan-tinalikuran niya ang popularidad para sa kanyang sanggol.

At napakaresponsableng ama ni Markus, alagang-agala nito ang pagkain, bitamina at lahat-lahat ng kailangan ni Janella habang nagdadalantao.

Takdang panahon lang ang kanilang hinintay, wala silang planong itago ang kanilang anak, ngayon ay buong-ningning na nilang ipinagmamalaki ang pagdating ng kanilang munting anghel.

Maraming anak na ipinagkakaila. May mga sanggol pa ngang itinatapon sa basurahan. Heto ang mga batambata pang magulang na ipinaglaban ang binhi ng kanilang pagmamahalan.

Pagsaludo!

Leave A Reply

Your email address will not be published.