Abante Tonite Interactive

Female personality nasisira ang araw sa sexy actress

By
741

tonite-no-thanks-cristy-ferminMatagal na panahon na ang nakalilipas kung tutuusin pero hanggang ngayon pala ay nasisira pa rin ang araw ng isang female personality kapag naririnig niya ang pangalan ng isang sexy actress.

Hindi pa rin siya nakapagmu-move-on, hanggang­ ngayon ay naaalala pa rin niya ang ginawang pang-aahas kuno sa kanya ng seksing female persona­lity, maraming taon pa raw ang kailangang lumipas para mawala na sa kanyang utak ang naganap.

Kuwento ng aming source, “Napakatagal naman niyang magtago ng galit! Ilang taon nang nakararaan ‘yun, pero hanggang ngayon, e, affected pa rin siya? Ayaw na ayaw niyang naririnig ang name ng girl.

“Ayaw na ayaw niyang napag-uusapan ang pinaninindigan niyang sumi­ra sa relasyon nila ng kanyang mister! Marinig pa nga lang niya ang pangalan nu’ng babae, e, sira na ang araw niya.

“Palagi siyang ganu’n, sobrang affected pa rin sya, matagal nga siyang makalilimot kapag ganyan siya,” simulang istorya ng aming impormante.

Ang sexy actress namang kinaiinisan niya ay masaya sa kanyang buhay ngayon, wala itong pakialam, keribels lang nito ang mga kuwentong nakararating sa kanya.

“E, sa kung wala naman talaga siyang kinalaman sa paghihiwalay nu’ng mag-asawa, ano nga naman ang kailangan niyang ipaliwanag, di ba naman?

“Matagal na sila ng boyfriend niya, kasal na nga lang ang kulang sa kanila, kaya bakit niya bibigyan ng stress ang buhay niya? Kung siya ang pinagbi­bintangang sumira sa relasyon ng babaeng galit na galit sa kanya, keber naman ng sexy actress sa mga bintang sa kanya?
“Hindi nga siya natatakot na makaharap ang babaeng galit sa kanya, gusto nga niyang magkita sila, para magkaalaman na kung sino sa kanila ang nagsasabi ng totoo,” sabi pa ng aming source.

***

Vice nauwi sa kapalpakan ang sinasabi

Masarap na kasalo sa pananghalian ang labanan ng mga becki sa It’s Showtime. Nakakaaliw ang iba-ibang kuwento at istorya ng buhay ng mga kandidata sa Miss Q & A.

Ang iba ay halatadong kabado dahil nu’n lang sila sumalang sa malawakang kumpetisyon na tulad ng Miss Q & A. Meron namang halatadong sanay na sanay na, kaya kumpiyansa sa kanilang pagrampa at pagsagot sa mga tanong.

Pero nagiging epektibo lang ang segment ng noontime show kapag si Vice Ganda ang humahawak ng labanan. Reyna ng mga becki kasi si Vice, siya ang tinitingala ng mundo ng sangkabaklaan, kaya napakasarap panoorin kapag siya na ang nambubusisi sa mga kalahok.

Marami siyang kuwento, marami siyang napapansin, ‘yun ang maganda sa pagho-host ni Vice Ganda. Marami siyang binabalikang kuwento na siya ang bumibida na talaga namang hinahalakhakan ng manonood dahil kadalasan ay sa kapalpakan nauuwi ang kanyang mga sinasabi.

May nakakuwentuhan kaming ka-barangay ni Vice sa nilakihan niyang lugar sa Maynila. Puring-puri nito ang sikat na komedyante na sa kabila raw ng laki ng kanyang pangalan ay hindi nakalilimot.

“Nagpapaluto siya ng food sa mga bata every morning. May budget siya talaga para du’n. Ayaw niyang pumapasok nang gutom ang mga bata dahil bukod sa magkakasakit na, e, mahihirapan pa sa pag-aaral nila.

“Ang katwiran ni Vice, kahit pa matalino ang bata, e, hindi rin lalabas ang katalinuhan kapag gutom. Naranasan niya kasing pumasok nang gutom. Ayaw niyang mangyari ‘yun sa mga bata sa barangay namin,” kuwento ng aming source.

At napakaorganisado raw ni Vice Ganda. Hindi na kailangang hingin pa sa kanya ang budget para sa pagkain ng mga bata. Nasa barangay na agad ang panggastos, kaya hindi na siya kaila­ngan pang tawagan, maganda ang puso ng sikat na komedyante.

Kaya naman parang tubig-baha ang pag-agos ng kanyang mga biyaya, sabi nga ng kanyang dating manager na si Ogie Diaz ay hindi raw mil­yonaryo si Vice Ganda, bilyonaryo na.