Abante Tonite Interactive

Female personality nawala ang magic sa playboy na asawa

901

PAANO nga kaya sasanggahin ng isang kilalang female personality ang obserbasyon ng mas nakararami na kahit humahalakhak pa siya sa harap ng mga camera ay halatado pa ring hindi siya masaya?

Hindi nga naman kasi nakapagsisinungaling ang mga mata, anumang pagtatakip sa tunay nating nararamdaman ang ating gawin ay ipinagkakanulo pa rin ng ating mga mata ang katotohanan, hindi ‘yun naikukubli.

Kuwento ng isang source, “Saka nawalan siya ng luster. Sabi, kapag nag-asawa na ang babae, e, mas gumaganda ang aura niya, pero bakit si ____ (pangalan ng kilalang babaeng personalidad), parang nawala na ang magic niya?

“Totoo kaya ‘yung kumakalat na kuwento na playboy ang napangasawa niya? Kalat na kalat na kasi ‘yun! Siguro, e, nakarating na sa kanya ang mga kuwento, kaya reflected ‘yun sa itsura ngayon ng girl!

“Nakakaawa naman siya, napakatagal nilang naging mag-boyfriend nu’ng guy, tapos pala, e, ganito lang ang mangyayari sa kanya?

“Sana nga, e, sobrang pagod lang sa work niya ang dahilan, hindi ang pagiging playboy ng husband niya, kaya ganyan ang aura niya ngayon!” napapailing na hiling ng aming impormante.

Harinawa.

Male celebrity balasubas sa abogado

MAY pera naman ang pamosong male personality pero bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin niya bayad ang serbisyo ng mga abogadong humawak sa marami niyang kaso?

Isandaang porsiyentong serbisyo ang ibinigay ng kanyang mga abogado, dumadalo ang mga ito sa bawat hearing ng kanyang mga kaso, pero nu’ng umpisa lang nagbabayad ang male personality.

Kuwento ng aming source, “Hindi natin masasabing walang datung ‘yung male personality, marami siyang pera, sobra-sobra pa sa kailangan niya sa buhay niya ang meron siya ngayon.

“Hindi siya puwedeng mangatwiran na wala siyang datung, meron siya, pero hindi lang talaga siya marunong magbigay-halaga at magprayoridad.

“Kung wala ang mga abogado niya, e, baka kung ano na ang nangyari sa kanya, pero mismong ang mga taong ‘yun pa ang pinahihirapan niya ngayon!

“Aba, hindi simple ang giyerang pinasok ng mga lawyers niya para lang luminis ang name niya, tapos ngayon, e, basta paganu’n na lang?

“Magbayad siya, hindi pro bono ang usapan nila, maawa naman siya sa mga abogadong nakikipagdiskurso sa korte para lang siya idepensa!” naiinis na kuwento ng aming source.

Pinawalang-bisa na ng husgado ang kasal nila ng isang kilalang aktres.

Gretchen 2 beses kasama ang anak ni Atong

DALAWANG magkasunod na premiere night ng mga pelikulang kasali si Elaine Yu, anak ng negosyanteng si Atong Ang, ang dinaluhan ni Gretchen Barretto.

Ang una ay ang Two Love You na pinrodyus ng aming anak-anakang si Ogie Diaz na palabas pa rin hanggang ngayon, kasama ni Elaine si Gretchen, pati ang kanyang mommy na si Irish.

Ang ikalawang pelikula naman ay ang Nuuk na pinagbibidahan ni Aga Muhlach, dumalo rin sa premiere night na kasama ni Elaine Yu sina Gretchen at Claudine, kasama ang businessman na si Atong Ang.

Naloloka na ang ating mga kababayan sa senaryo, kung totoo raw na may relasyon sina Atong Ang at Gretchen ay papayag ba naman si Elaine Yu nang paganu’n lang, samantalang masasaktan ang kanyang inang si Irish?

Totoo nga naman. Bibihirang anak ang makatatanggap sa ibang babaeng karelasyon ng kanyang ama dahil nand’yan ang tunay niyang ina na siguradong magrerebolusyon ang kalooban.

Pero nangyayari talaga ‘yun, e. Talagang nagsasama-sama sila sa isang okasyon.

Paano na ang mga nakaraang isyu kung saan diretsong sinabi ni Marjorie Barretto na magkarelasyon sina Gretchen at Atong na idinedenay naman ng dalawa kahit may lumabas pang retratong magka-holding hands sila sa eroplano habang nakasubsob si Gretchen sa katawan ng negosyante?

Ay, basta, ang alam namin ay dalawang piso na lang ang isang kilo ng sayote ngayon sa Baguio at sa Mountain Province!

Ha! Ha! Ha! Ha!