Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Female personality nilayasan ng mga kasambahay

0 378

Wala nang lahat sa poder ng isang kilalang babaeng personalidad ang napakaraming bilang ng mga naging kasambahay niya. Nag-alisan nang lahat.

Bumilang nang maraming taon sa female personality ang mga ito, dalaga pa siya ay nasa kanya na ang mga maid-of-cotton, pero isa-isa nang nag-alisan nang biglang magbago ang ikot ng mundo ng kanilang pinaglilingkuran.

Kuwento ng aming source, “Nasa ibang personalities na sila, naglipatan na, maayos naman silang nagpaalam sa female personality na matagal na panahon din nilang pinagserbisyuhan.

“Hindi na raw kasi nila kinakaya ang mga nangyayari, napakagulo kuno ng buhay ng female personality, kaya nagbabu na silang lahat. Puro bago na ang mga kasambahay niya ngayon pero maaga ring nag-alisan,” unang hirit ng aming source.

Dati raw ay napakasarap magtrabaho sa bahay ng female personality, mabait at mapagmalasakit siya sa kanyang mga kasambahay, pero ilang taon nang ibang-iba ang kanyang ugali.

Patuloy na kuwento ng aming impormante, “Wala na siyang pakialam sa mga kasambahay niya, lalong wala na rin siyang pakialam kung kumakain pa ba ang kanyang mga working girls, kasi nga, maghapon lang siyang tulog!

“Walang laman ang kanilang refrigerator, wala rin silang bigas, naghuhulaan sila kung kailan magigising ang boss nilang walang kapaguran sa pagtulog!

“Buti na lang at naging kaibigan na ng mga kasambahay ang mga kapitbahay nilang maids din, binibigyan sila ng food, kaya nakakakain sila.

“Pero ang hindi na kuno nila kinakaya, e, ang magulong takbo ng buhay ng female personality. Isang gabi, e, nagsisigaw siya, nabulabog ang lahat sa kanilang bahay, pinasok daw sila ng magnanakaw!

“Nagsisisigaw niyang inutusan ang mga kasambahay na tumawag sa guard house, baka raw kasi sila patayin ng mga magnanakaw, halos himatayin na ang mga kasambahay niya sa sobrang takot!

“Walang magnanakaw, halusinasyon lang ‘yun ng boss nila, sarado ang lahat ng mga pintuan nila na kahit daga, e, hindi makapapasok!

“Palaging ganu’n ang drama ng kanilang boss, sa sobrang kapraningan, e, nagpabili pa siya ang mga bagong susi at lock para baguhin ang mga nakakabit na door knob. Hindi na ‘yun kinaya ng kanyang mga kasambahay.

“Naunang umalis ang driver, sumunod ang mga kasambahay, wala na ring yaya ang mga anak niya, kaya ang female personality na lang ang nag-aalaga ngayon,” pagtatapos ng manghang-mangha naming impormante.

Raffy 20M na YouTube follower

Masayang-masaya ang buong production staff ng Wanted: Ang Serye na ihino-host ng matapang pero mapusong news anchor na si Raffy Tulfo.

Hindi na nakapagtataka kung bakit mataas ang numero sa ratings ng programa dahil aabot na sa halos dalawampung milyon ang tagasubaybay ng sikat na news anchor sa kanyang YouTube Channel.

Sumisipa rin sa ratings ang kanyang programang Wanted Sa Radyo, ang kanyang pangtanghaling programang Raffy Tulfo, Idol In Action, pati ang news program nila ni Cheryl Cosim sa gabi na lahat ay napapanood sa TV5.

Panahon talaga ngayon ni Raffy Tulfo na itinuturing na tagapagtanggol ng ating mga kababayan lalo na ng mga OFW na sa kanyang mga programa nagsusumbong-tumatakbo para mabigyan sila ng hustisya.

Kuwento ng matulunging news anchor-komentarista, “Nu’ng bagu-bago pa lang akong nagtatrabaho bilang news reporter, e, palagi akong pinagbibilinan ng mommy ko na maghinay-hinay lang.

“Pero hindi pala puwede ang ganu’n sa trabahong pinasok ko, grabe ang injustice na nangyayari sa mga kababayan natin! Naging personal mission ko na ang makatulong sa kanila sa anumang paraan na kaya kong ibigay sa kanila,” deklarasyon ni Kuya Raffy.

Bukod sa solusyon sa mga problema ng mga nagsusumbong sa kanyang mga programa ay nag-aabot din siya ng tulong na pampinansiyal sa mga walang-wala, nanggagaling ‘yun sa kanyang bulsa, mula sa puso ang kanyang pag-aayuda.

Leave A Reply

Your email address will not be published.