Abante Tonite Interactive

Female personality pasaway sa makeup artist

0 178

tonite-no-thanks-cristy-fermin

 

Nakakaaliw ang kuwentong nakara­ting sa aming source tungkol sa isang kilalang female personality na mahirap ayusan. Inire­reklamo siya ng mga make-up artist at hairdresser dahil ang gusto niya ang kailangang masunod palagi.

Kung ano ang gusto niyang ayos ng kanyang buhok ay kailangang ‘yun ang gawin sa kanya, kesehodang kailangan sa kukunan niyang eksena ang ibang atake ng ayos, wala siyang pakialam.

Kuwento ng aming source, “Pinakamadali at pinakamahirap siyang ayusan. Madali dahil simple lang ang gusto niyang ayos. Basta blower lang, ‘yun lang, tapos na.

“Mahirap dahil ayaw niyang sundin ang hinihingi ng eksena, ayaw niyang magpataas ng hair niya, ayaw rin niyang gumamit ng kahit anong dekorasyon sa buhok niya, talagang tinatanggal niya ‘yun!

“Marami siyang tinatanggihan. Siya dapat ang masunod. Konting pagbabago lang sa hairstyle niya, e, ayaw na niya. Talagang hanggang sa bagsak na buhok lang talaga ang gusto niya,” kuwento ng aming impormante.

Kahit sa klase ng make-up ay mas­yado rin siyang mareklamo. Ayaw niya ng make-up na makapal, pero kailangan, dahil marami siyang dumi-dumi sa mukha.

“Walang nagtatagumpay sa kanya, kahit pinakamagaling na make-up artist, e, susuko sa kanya. Masyado siyang maselan. At ang masakit pa, pupunta siya sa CR, paglabas niya, burado na ang make-up niya!

“Pinaghirapan siyang pagandahin ng make-up artist, tapos, buburahin lang naman pala niya ‘yun? Nakakaloka siya, ibang klase siya, pinakamahirap at pinakamadali talaga siyang ayusan.

“Kung puwede lang sigurong humarap siya sa mga camera nang walang make-up at sabug-sabog ang hair niya, e, gagawin niya ‘yun! Hay, nanay ko! Ewan ba naman sa babaeng ‘yun, nakakaloka siya!” napapailing na lang na kuwento ng aming source.

***

Cool-off? Daniel nagsawa kay Kathryn

Ramdam ng mas nakararami na totoong nagkakaproblema ngayon sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo. Ngayon lang nangyari ang hindi pagsama ni Daniel kay Kathryn sa isang okasyon.

Palagi silang magkadikit, anino nila ang bawat isa, kung nasaan si Kath ay siguradong nandu’n din si Daniel.

Walang bumili sa dahilan ni Kathryn na napindot lang daw niya ang block sa kanyang gadget kaya in-unfollow siya ni Daniel. Ngayon nga lang ba naman nalaman ng dalaga na ganu’n ang mangyayari kapag ginawa niya ang ganu’n?
Nu’ng may nagtanong kay Kathryn kung nasaan si Daniel ay out of town daw, hindi kayang humabol sa oras ng pagtanggap nila ng parangal, hindi rin ‘yun pinaniwalaan ng mas nakararami.

Ngayon nga lang kasi nangyari ang ganito. Hindi sanay ang kanilang mga tagasuporta na nag-iiwanan sila. Kahit saan at kahit kailan ay palagi silang magkadikit.

Kung ano ang totoong dahilan ng pagkakaganito nila ay sila-sila lang ang nakakaalam. Pero totoong may problema sila. ‘Yun din ang paniniwala ng kanilang mga tagahanga.

Naaawa lang kami sa mga tagahanga nila na hindi nang-iiwan sa anumang laban na hinaharap ng loveteam. Lalo na ang mga opis­yales at miyembro ng KDKN, ano kaya ang pakiramdam nila ngayon, paano na ang kanilang pag-asa na magiging forever na ang pagmamahalan ng kanilang mga idolo?

Isang source ang nakapagsabi sa amin na si Daniel ang “namahinga” sa relasyon nila ni Kathryn. Ang paliwanag ng aming kausap ay gusto lang daw munang makahinga ng guwapong aktor.

Kapag ganu’n ang paliwanag ay merong malalim na konotasyon. Ang taong gustong makahinga ay nagsasawa na. Gusto niyang mapag-isa. Gusto muna niyang makawala sa pang-araw-araw na kalakaran.

Sana naman ay hindi ‘yun totoo. Nakakapanghinayang ang napakahaba nang itinatakbo ng kanilang relasyon. Hindi biro-biro ang pitong taon.