Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Female personality pinabayaang upakan ang anak ng kaibigan

0 203

Patuloy na naglulutangan ang maraming kuwento tungkol sa isang female personality na nang makahawak na ng mikropono ay ibang-iba na ang datingan.

Matagal na panahong naging starlet ang female personality, palagi lang siyang paningit sa lahat ng pagkakataon, siya pa nga ang personal na nakikiusap sa mga talent coordinators na isali siya sa show kahit isa lang siya sa marami.

Pero umikot ang gulong ng buhay ng paningit na starlet, may nahulog na biyaya sa kanyang bumbunan, damay lang siya pero ayon sa kanyang mga katrabaho ay parang siya ang tunay na sikat.

Kuwento ng isang source na dating nakakasama ng starlet, “Wala na siyang kilala ngayon, kahit ang mga taong nakatulong nang malaki nu’ng nagdarahop pa siya, e, hindi na niya naaalala.

“Pinasok na talaga ng hangin ang ulo ng babaeng ‘yun. Akala yata niya, e, may forever, kung makaasta siya, e, parang kanya na ang mundo,” unang komento ng source.

“May isang kaibigan ang female personality na talagang napakalaki ng naitulong sa kanyang pamilya. Literal silang hindi makakakain kung wala ang kaibigan niyang ‘yun, pero hindi na sila close ngayon.

Patuloy ng aming impormante, “Edukada lang ‘yung friend niya, kaya hindi na lang nagsasalita. Pero iniiwasan na siya ng kaibigan niya ngayon dahil may nangyari nu’n na nasaktan ang anak ng friend niya, pero ni hindi ipinagtanggol ng dating starlet.

“Kaisa-isang pabor nu’ng tao, e, hindi pa niya maibigay, natatakot kasi siyang ma-bash ng mga faney ng isang loveteam, kaya pinabayaan na lang niyang upakan ang anak ng friend niya. Grabe ang tulong na ibinigay ng taong ‘yun sa pamilya niya!

“Madaling nagka-amnesia ang female personality, napakabilis niyang makalimot sa mga taong nakatulong sa kanya. Maganda na kasi ang buhay niya ngayon, nabibili niya na ang mga granatsang pinapangarap lang niya nu’n!
“Kundi pa siya palaging nagbababad nu’n sa office ng isang madatung na businesswoman para kapag umuwi siya, e, meron na silang malafang!

“May kayabangan siya, palibhasa, e, ngayon lang siya nakatikim ng masaganang buhay. Pero may forever ba para sa kanya na damay lang naman sa popularidad ng iba?” pagtatapos ng naiinis naming impormante.

Piolo magaling umiwas

Bonggang-bongga ang paglulunsad ng tatlong programa ng Brightlight Productions nu’ng Linggo. Naunang napanood sa TV5 ang Sunday Noontime Live (SNL), sinundan ‘yun ng I Got You at ang ikatlo ay ang masayang barkadahan ng Sunday Kada, tatlo agad sa isang araw.

Hindi puwedeng lumayo sa ASAP Natin ‘To ang SNL dahil ang “malaking taong” nasa likod ng programa ay si Direk Johnny Manahan, ang bumuo rin ng konsepto ng ASAP, kaya dikit ang kanilang tema.

Pero malaki ang bentahe ng SNL dahil napakalayo ng naaabot nito, kumpara sa ASAP na pang-Mega Manila lang, kailangang naka-cable na sa malalayong probinsiya para lang mapanood ang mga shows ng A2Z Channel 11.

Hindi perpekto ang unang sultada ng SNL, pero balanse ang mga hosts, maganda ang kanilang stage design at walang kakupas-kupas ang cameraworks ni Mr. M.

Akala nga nami’y mapapasayaw na ng kanyang mga kasamahan si Piolo Pascual, pero mahusay pa rin siyang umiwas, kaya inaako na lang nina Catriona Gray, Jake Ejercito at Donny Pangilinan ang ayaw na ayaw gawin ni Piolo.

Vice may problema kay Billy

Kahapon naman ay nagsimula na rin ang Lunch Out Loud na ang Brightlight Productions din ni Congressman Albee Benetiz ang prodyuser.

Maraming katapat ang LOL, pero ang pinagsasabong ay ito at ang It’s Showtime, na dating show ni Billy Crawford sa ABS-CBN.

Balita ngang meron silang gap ngayon ni Vice Ganda, kinukuwestiyon diumano ng gay host kung bakit tinanggap-tinapatan pa ni Billy ang dati niyang show, ano raw ang gustong patunayan ng tropa ng Lunch Out Loud?

Pero sa pagkakaalam namin ay marespeto namang nagpaalam sa mga ehekutibo si Billy, maging ang mahuhusay ding hosts na sina Alex Gonzaga at Bayani Agbayani, kaya wala dapat maging problema sa kanilang pagsasalpukan sa ere.

Leave A Reply

Your email address will not be published.