Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Female personality pinagsaraduhan ng network

0 265

Walang kahirap-hirap na nakalundag sa kabilang istasyon ang maraming personalidad mula sa dati nilang pinagseserbisyuhang network.

Mabilis ang proseso, minsang pag-uusap lang at paliwanagan ay ayos na ang transaksiyon, kaya totoo ang kasabihang kung ukol ay bubukol.

Pero maraming nagtataka-nagtatanong, bakit daw hindi ganu’n ang naganap sa isang pamosong female personality, samantalang meron pa ngang isang sikat na lalaking personalidad na nagtulay para sa kanya?

Kuwento ng aming source, “Ewan kung anong kamalasan ang dumikit sa katawan ng babaeng ‘yun! Parang nagkaroon siya ng balat sa buong katawan niya!” lahat ng pinasok niyang transaksiyon, sablay!

“Imagine, napakahirap tanggihan ng nilapitan niyang male personality para tulungan siya, di ba? Kumbaga, lahat ng request ng taong ‘yun, e, ibinibigay sa kanya ng network.

“Pero bakit du’n sa female personality, e, nabigo siya, bakit walang naging magandang resulta ang ipinakiusap niya para sa kaibigan niya?” unang hirit ng aming impormante.

Matagal nang walang ginagawang proyekto ang female personality. Meron na sana siyang gagawing programa sa isang istasyon, meron na siyang producer, pero hindi ‘yun natuloy.

Balik-kuwento ng aming source, “Almost there na ‘yun, sa totoo lang, kaso, nagpairal na naman siya ng kaartehan. Plantsado na ang plano, pero may gusto na naman siyang baguhin at idagdag, kaya nagkagulo-gulo ang plano!

“Ang talagang nainis na nu’n, e, ang producer niya mismo at ang mga executives ng istasyon. Maayos na, pero may problema na naman. Merong ipinatatanggal ang female personality, meron gustong idagdag.

“Hanggang sa ang ending, nawalan na ng gana ang production, pati ang mga mamumuhunan dapat sa kanya, e, nanghinawa na rin sa mga kaartehan niya!

“Nakita naman natin, simple lang ang naging paglipat ng ibang personalities sa ibang network, di ba? E, bakit siya, parang pinagsaraduhan na siya ng lahat ng butas na puwede niyang daanan papasok sa istasyon?

“Hindi na gagana sa kanya ang paliligo sa pulot para mawala ang kung anong jinx na kumapit sa katawan niya! Attitude niya ang naging dahilan ng lahat, feeling-powerful pa rin kasi ang lola n’yo!” napapailing na pagtatapos ng aming source.

Bugoy wasak ang relasyon sa Aleman

Paboritong imbitahan ni Willie Revillame para sa Wowowin-Tutok To Win sina Bugoy Drilon, Michael Pangilinan at Kris Lawrence. Magagaling naman kasi sila at ayon kay Willie ay wala silang karate-arte sa katawan.

Sabi ng staff ng show, “Si Kuya Wil pa naman, magaan ang loob niya sa mga personalities na madaling kausapin. E, ‘yung tatlo, isang tawag lang niya, okey na agad.”

Isang hapon ay natiyempuhan naming umiiyak si Bugoy Drilon. Napakasakit ng iyak ng magaling na singer. Pagdating pa lang daw niya sa studio ay napansin na agad ng mga staff na napakalungkot ni Bugoy.

Nalaman ni Willie ang dahilan, nag-break pala si Bugoy at ang kanyang karelasyon na nasa Germany, long distance relationship ang namagitan sa kanila, nu’ng araw na ‘yun ay napagdesisyunan na nilang maghiwalay, kaya iyak nang iyak si Bugoy.

Ang dami-daming nagtawagan at nag-text sa amin, bakit daw ganu’n na lang ang iyak ni Bugoy, straight English pa raw kung sumagot ang singer sa mga tanong ni Willie.

Tanong ng isang kaibigan, “Parang ngayon lang naman natin nalaman na meron palang karelasyon si Bugoy? Naguguluhan lang ako, babae o lalaki ba ang naka-break niya?”

Pang-uusisa naman ng isa pang nakausap namin, “Naguguluhan lang ako sa mga sinasabi ni Bugoy na ibinigay na raw niya ang lahat, ‘I have given everything, but my love was not reciprocated,’ sabi pa ni Bugoy.

“Pakitanong nga kay Willie kung babae o lalaki ang sinasabi niyang German na nakahiwalay niya?” matindi ang reaksiyon ng aming kausap.

Nakakaloka. Halos umiyak na ng palakol si Bugoy Drilon, napakasakit na ng kanyang emosyon dahil sa hiwalayan, pero ang nagmarka sa manonood ay kung ano ba ang gender ng nakahiwalay niyang Aleman.

Leave A Reply

Your email address will not be published.