Abante Tonite Interactive

Female personality sinadyang buwisitin ang sikat na aktres

489

tonite-no-thanks-cristy-fermin

MISMONG malalapit sa isang kontrobersiyal na female personality ang nagkukuwento na basta may nakita siyang butas para pasukan ng kanegahan ang isang sikat na babaeng personalidad ay gagawin niya.

Sa kahit anong paraan ay gagawa at gagawa ­talaga ng pang-inis ang kontrobersiyal na aktres, wala ­siyang pakialam kung sinu-sino ang masasagasaan, basta papasok at papasok siya sa eksena.

Kuwento ng aming source, “May malalim naman pala kasing dahilan kung bakit siya nagkakaganyan. Kumakampi siya sa kalaban ng sikat na aktres. Kaya niyang panindigan ang mga ginagawa niya.

“Meron naman pala kasing pautang na mga salita ang sikat na aktres sa kanya nu’n. Maraming nakarating na kuwento sa kanya kung paano siya pagsalitaan ng girl nu’ng namamayagpag pa siya!

“Hindi lang kumibo nu’n ang controversial actress, nagtimpi lang siya, pero ang nasa utak niya, sa kahit anong isyung ma-involve ang girl, e, makikisali talaga siya sa gulo!

“Pangako pala niya ‘yun sa kanyang sarili. Kahit pusa o aso lang kuno ang kalaban ng girl, e, du’n siya sa kalaban ng girl!” simulang kuwento ng aming source.

Nakakita nga ng butas ang kontrobersiyal na personalidad, nasangkot sa kung anu-anong isyu ang girl, du’n na siya nakahanap ng pagkakataong makapasok sa eksena.

“Hindi pala siya talaga titigil, talagang bubuwisitin niya ang girl kahit ano pa ang mangyari! Gagastos siya sa pagpapa-party, makikisali siya sa controversy, wala siyang pakialam!

“Lalo na ngayong sunud-sunod ang pagkadiskaril ng career ng girl, lalong wala nang pakialam ang controversial personality, mas tumapang pa siya, handa talagang mang-inis, kahit pa magpa-party siya araw-araw!” napapailing na pagtatapos ng aming source.
***

Walang ligtas Phillip , Joey, James, Herbert binungangaan ni Kris

KUNG sana’y nagtengang-kawali na lang si Kris Aquino tungkol sa script na ginagawa nina dating SAP Bong Go at Phillip Salvador tuwing umaakyat sila sa entablado de kampanya.

Kung sana’y inunawa niya na lang na nagaganap talaga ang ganu’ng atake sa mundo ng pulitika. Di sana’y hindi na siya pinakakain ng ampalaya at pinalulunok ng apdo ngayon ng ating mga kababayan.

May karapatan siyang magalit, may rason siya para magbigay ng negatibong reaksiyon sa ginagawa nina Kuya Ipe at Bong Go, pero sana’y hindi na lang niya inungkat pa ang nakaraan nilang relasyon ng action star na hagip na hagip ang kanilang anak na si Joshua.

Du’n na naman umiral ang minantikaang dila ni Kris, isinumbat niya kay Phillip Salvador ang mga pagkukulang nito bilang ama ng kanilang anak, bumida na naman ang piso sa kanyang mga arya.

Maraming nalungkot sa mga birada ni Kris kay Kuya Ipe, pinagkukuwentuhan ‘yun ng mga kasamahan nilang artista kahit saan, may kani-kanyang opinyon ang mga ito tungkol sa bagong rebelasyon ni Kris.

Isang male personality ang nagbigay ng komento na ang akala pa naman daw nito ay si Kuya Ipe lang ang naligtas sa mga paninira ni Kris sa kanyang mga maging karelasyon pero hindi pa rin pala.

Kami man ay nagulantang, puwede nang magsabihan ng welcome to the club ngayon sina Phillip Salvador, dating Mayor Joey Marquez, James Yap at Mayor Herbert Bautista, dahil lahat sila’y sumailalim sa madulas na dila ng ­paghusga ni Kris.

Sana’y hindi na lang niya sinumbatan si Phillip dahil kakambal ng kanyang mga rebelasyon sa pagkukulang nito ay ang presensiya ng kanilang anak na si Josh, nakakaawa naman ang walang kamalay-malay na binata sa mga nagaganap ngayon.

May rason para magalit si Kris, hindi natin ‘yun iniaalis sa kanya bilang babae at ina, pero sana’y sumentro na lang siya sa isyung pinag-uusapan at hindi na niya dinukot pa sa nakaraan ang pagiging iresponsableng ama at karelasyon ni Phillip Salvador.

Hindi ‘yun hinihingi ng pagkakataon. Hindi maganda sa panlasa. Lahat na lang ba ng mga nakakarelasyon niya ay kailangang dumaan sa kanyang mga litanya?

Tonite – Wendys Inhouse Ad