Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Female personality siniraang maramot ng mga kapatid

0 96

Madaya ang buhay-artista. Ang akala ng marami ay para lang silang namumulot ng pera. ‘Yon lang ang kanilang nakikita. Deadma na sa pagod at puyat ng mga artista para lang kumita.

Tingin ng mga kapamilya ng isang kilalang female personality ay nakahiga na siya sa salapi. Parang milyun-milyon ang ipon niya sa bangko.

Kuwento ng aming impormanteng awang-awa na sa babaeng personalidad, “Talagang patay-katawan siya kung magtrabaho. Basta legal ang work at kikita siya, wala siyang tinatanggihan!

“Halos wala na siyang pahinga. Buti nga at ang makina, e, ipinapahinga pa, pero siya, kapos na kapos siya sa tulog. Wala siyang reklamo, trabaho lang siya nang trabaho,” unang komento ng aming source.

Pero hindi ‘yon nakikita ng kanyang mga kapamilya. Bulsang hindi nawawalan ng laman ang tingin sa kanya ng mga ito, palaging puno, may ibibigay anumang oras.

Patuloy ng aming source, “Napakalaki na ng naitutulong niya sa pamilya niya, lalo na sa mga kapatid niya. Pero parang wala silang pagsisikap. Bibigyan niya ng puhunan para makapagnegosyo, kaso, hindi naman sila nagsisikap.

“Kung makahingi ng tulong sa kanya, e, akala mo may mga patago! Parang meron siyang utang na kailangan na niyang bayaran! Ni hindi marunong makiusap, nagdidikta pa sa kanya!

“Kapag wala siyang maibigay, agad na siyang pipintasan! Ikukuwento na nila sa kung sinu-sino na nagdadamot na siya! Lumaki na raw ang ulo niya, pinagbago na raw siya ng pag-aartista, nakakaawa naman talaga ang female personality na ‘yon,” napapailing pang sabi ng aming source.

Panahon na para mahalin naman ng babaeng personalidad ang kanyang sarili. Meron din siyang mga anak na kailangang alagaan at asikasuhin ang kinabukasan.

“Tama lang ang ginagawa niya. May sarili rin siyang buhay! Tapos na siya sa pagtulong palagi sa mga kapatid niya na hindi naman nagsisikap!

SM SuperKidsDay Banner Ad

“Talagang nakakaawa siya, comedy pa naman ang nililinyahan niya, pero malungkot ang puso niya, napakahirap nu’n, ha? Sa harap ng mga camera, e, nagpapatawa siya, pero pagkatapos nu’n, luha na ang kasama niya!” naiinis na pagtatapos ng aming impormante.

KathNiel biktima ng imbentor

Nakipag-usap na naman sa mga butiki sa kanilang kisame ang palpak at mapag-imbentong social media influencer kuno. Ang pinakahuli nitong pinagtripan dahil sa kawalan ng lehitimong balita ay sina Deniel Padilla at Kathryn Bernardo.

Isinali pa nito sa kuwento si Barbie Imperial, at ang pinakamatindi, may insinwasyon ang hibang na nag-iilusyong reporter na may kinalaman si Liza Soberano sa kuwentong pinasabog nito.

Walang komunikasyon ang magandang aktres sa hunyangong influencer kunong ito, maging si Ogie Diaz ay hindi nito regular na nakakausap, kaya tantanan ng reporter kunong ito ang kanyang mga ilusyon.

Ibinulong kaya sa kanya ng mga butiking-dingding na kaya nitong wasakin ang matibay nang pundasyon ng pagmamahalan nina Daniel at Kath?

Talagang nag-iilusyon nga ang imbentor na ito, napakarami nang sumubok na bulabugin ang pagmamahalan ng KathNiel pero walang nagtagumpay, ito pa kayang mapaggawa ng kuwentong ito ang paniniwalaan?

Ano kaya ang napapala ng taong ito sa paggawa ng mga istoryang salat naman sa katotohanan? Buking na buking na nga ito sa kanyang drama nu’n tungkol kina Diego Loyzaga at Barbie Imperial, wala pa rin itong kadala-dala, sige-sige pa rin ito sa pag-iimbento ng mga kuwentong ito lang at ang kanyang mga butiking-dingding ang naniniwala.

Nakakaawa naman ang influencer kunong ito. Gustong mapabilang sa mga lehitimong manunulat pero puro balitang kasinungalingan lang naman ang inilalabas.

Walang short cut sa tagumpay, hoy! Dumaan ka muna sa mga baitang ng hagdan! Kredibilidad ang puhunan sa hanay na ito na wala ka naman!

Leave A Reply

Your email address will not be published.