Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Female personality suplada

0 462

Hindi na lang siguro nasesentruhan ng mga blind items ang isang kilalang female personality dahil hindi na siya masyadong aktibo, paminsan-minsan na lang siya bumibida sa mga proyekto ng kanilang network, pero ang dami-dami pa ring kuwento tungkol sa kanyang kamalditahan.

Walang kupas kung ilarawan ng kanyang mga kasamahan sa trabaho ang pagiging maldita ng aktres, feeling sikat na sikat, samantalang wala pa naman siyang maipagmamalaki.

Produkto ng isang talent search ang female personality, sinuportahan ng kanilang istasyon, kaya kahit paano’y natupad ang kanyang pangarap na makilala.

Unang kuwento ng aming impormante, “Napakadali niyang maging subject sa blind item, isang salita lang ang banggitin patungkol sa kanya, e, sapul na agad! Pasok na sa banga ang identity niya!

“Nu’n pa man, e, kilalang-kilala na siya sa pagiging malditics, siya nga ang original na Simang ng showbiz, dahil palagi siyang nakasimangot na para bang nakakaamoy siya palagi ng kung anong mabaho!” hirit ng aming source.

Pero kahit pala hindi na siya masyadong naaambunan ng trabaho ng kanilang network ay sige-sige pa rin ang kanyang kasupladahan. Pinatutunayan ‘yun ng kanyang mga katrabaho.

Patuloy ng aming source, “Hindi na siguro mababago pa ng girl ang ugali niya! ‘Yun na talaga siya, maldita! Hanggang ngayon, e, bitbit pa rin niya ang kasupladahan na kung saan niya hinuhugot, e, tanging siya lang ang nakakaalam!

“Kilala rin siya sa pakikipagrelasyon sa mayayaman, ilang beses na siyang nagmukhang milyonarya dahil sa mga nagiging boyfriend niya. Ibang klase ang babaeng ito na hindi naman lumaking mayaman,” dagdag na kuwento pa ng aming source.

Sa pinagbibidahan niyang serye ngayon ay namamangha ang mga katrabaho niya, feeling kuno kasi ng female personality ay talagang super-sikat siya, kaya ganu’n na lang siya kung makaasta.

Sabi uli ng aming source, “Wala siyang kilala kundi ang sarili lang niya, hindi siya namamansin sa location ng kahit sino, feeling kung sino talaga siya!

“E, teka lang naman muna, ano naman ang pinaghuhugutan niya ng kamalditahan? Ipinanganak ba siyang rich? Hindi naman, di ba?” tawa nang tawang pagtatapos ng aming source.

Adarna malungkot na wala ang erpat sa wedding

Pinanindigan nina Derek Ramsay at Ellen Adarna ang kanilang unang pahayag na magiging pribado ang kanilang kasal. Mga miyembro lang ng kani-kanilang pamilya ang dadalo at ilang piling-piling kaibigan.

Nagawa rin nilang itago sa publiko ang petsa ng kanilang kasal, basta raw, puro ngiti lang ang isinasagot ni Derek kapag nauusisa siya tungkol sa pagpapakasal nila ni Ellen.

Tapos na ang kanilang kasal na ginanap sa bulubunduking lugar sa Bagac, Bataan. Kaibigang pastor ni Derek ang nagkasal sa kanila. Pribado pero pinaghandaan nilang dalawa ang napakahalagang okasyon sa kanilang buhay.

Nagpapahabaan sa kanilang biyahe sa pakikipagrelasyon sina Derek at Ellen. Pero maisusulat sa kasaysayan ng pag-iibigan ang napakaigsing pagkikita nila na parang buhawing nauwi sa kasalan.

Naalala namin ang klasikong pelikulang pinagtambalan nina Clint Eastwood at Meryl Streep, ang “The Bridges Of Madison County,” ipinakita sa pelikulang ‘yun na walang itinatakdang haba at igsi ng oras ang pagkabuo ng isang malalim na pagmamahalan.

Aksidente silang nagkakilala sa umaga, nagkasama sila hanggang hapon na nagkaroon pa ng ekstensiyon sa gabi, naramdaman na lang ng karakter nina Clint at Meryl na nagtagpo na ang kanilang puso.

Ganu’n na ganu’n din halos ang naganap kina Derek at Ellen. Nagkakilala sila nang gabi, kinabukasan ay itinuloy nila ang komunikasyon, hanggang sa maging sila na.

Tumayong ring bearer sa kanilang kasal si Elias Modesto, anak ni Ellen kay John Lloyd Cruz, ikinalungkot nito na hindi na nakita ng kanyang pumanaw na ama ang pagpapaksal nila ni Derek.

Punumpuno ng naggagandahang bulaklak ang palibot ng Rancho Bernardo pero mas pinuno ang lugar ng ramdam na ramdam na kaligayahan nina Derek at Ellen sa kanilang pag-iisang-dibdib.

Mabuhay ang mga bagong kasal!

Leave A Reply

Your email address will not be published.