Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Female personality ‘Tikim Queen’

0 102

Napakalaking problema para sa isang nagkakaedad nang female personality ang pandemya. Mula nang mag-lock-in ay napakalaki ng pagkalugi niya sa buhay.

Hindi siya makalabas, bawal din ang mga pagnenegosyo sa matataong lugar dahil sa social distancing, hinagip ng pandemya ang female personality.

Kuwento ng isang source, “Isa siya sa talagang tinamaan ng pandemic. Imagine, hindi siya makalabas ng bahay dahil senior citizen na siya, bawal!

“Paano na ang nakasanayan niyang pagpunta-punta sa mga bazaar kahit wala naman siyang planong bumili ng kahit ano?” tawa nang tawang pag-alala ng aming impormante.

Nakahiligan na kasi ng female personality na ito ang pamamasyal sa mga baratilyo at bazaar. Kahit wala naman siyang planong bilhin ay naging ugali na niya ang pagpapatay ng oras sa ganu’ng lugar.

Kuwento uli ng aming source, “Naku, siguradong nangangati na ang mga paa niya sa pagpunta sa mga bazaar! ‘Yun na kasi ang buhay niya, ang galugarin ang lahat ng lugar para makalibre siya!

“Ang paborito niyang spot, e, ang mga nagbebenta ng mga kakanin! Markado na nga siya sa place na ‘yun, e! Paano naman, napakahilig niya sa pagtikim ng kakanin!

“Sasabihin niya, ‘Masarap ba ito?’ Natural, alangan namang sumagot ng hindi ang tindera, di ba? Agad na siyang pipiraso sa bilao ng kakanin! Maraming klase siyang tinitikman, iba-iba, hanggang sa dumighay na siya!

“Du’n nga sa isang bazaar na palagi niyang pinapasyalan, e, kilalang-kilala na siya ng mga tindera. Tikim Queen ang tawag sa kanya du’n dahil napakahilig nga niyang makitikim ng mga kakanin.

“Parating pa lang siya, e, tinatakpan na ng mga tindera amg mga paninda nila, para hindi na pumiraso ang female personality sa katitikim!

“Naku, siguradong miss na miss na niya ang paglabas ng bahay ngayon! Luging-lugi na siya dahil sa pandemyang ito! Paano na ang libre niyang agahan sa katitikim niya ng mga puto at kakanin!

“Hinihintay na siguro niyang magluwag ang quarantine, kailangang-kailangan na niyang lumabas, inip na inip na siya sa housing authority niya!

“Naging queen naman talaga siya, pero mas kilala siya ngayon sa pagiging Tikim Queen!” humahalakhak na pagtatapos ng aming impormante.

Ha! Ha! Ha! Ha!

-o0o-

Maja ayaw pabalikin ng Kapamilya executive

Mukhang malaki ang posibilidad na maging Kapuso si Maja Salvador. Kalat na kalat na ang kuwentong hindi na siya makababalik pa sa ABS-CBN pagkatapos niyang sumama kay Direk Johnny Manahan sa kanselado nang SNL.

May istorya pa ngang umiikot ngayon na nang magparamdam si Maja sa kagustuhan niyang bumalik sa dati niyang network ay napakasakit ng isinagot sa kanya ng isang ehekutibo ng istasyon.

Ang diumano’y isinagot kay Maja ng kanyang kausap, “Humanap ka muna ng work sa ibang network.” Napakasakit nu’n kung totoo ang kuwento.

Kunsabagay, saang network man magtrabaho si Maja ay armado na siya sa laban. Hininog na siya ng kanyang mga karanasan sa ABS-CBN. Marami siyang pinagbidahang serye na nagtagal talaga dahil sinubaybayan ng manonood.

Hindi lugi ang GMA-7 kung pagbubuksan ng pintuan ng istasyon si Maja Salvador. Pakikinabangan nila ang aktres. Magaling siyang umarte at puwede rin siyang pambato ng All-Out Sundays dahil tinawag siyang Queen of The Dancefloor nu’n bago inilipat ang titulo kay Kim Chiu nang umalis na siya sa Dos.

May balitang makakasama siya sa seryeng pagtatambalan nina Heart Evangelista at Richard Yap, ano ba kung hindi naman siya ang pinakabida, ang mahalaga ay meron siyang trabaho.

Pagdating sa trabaho ay wala namang problema kay Maja, professional siya, mahal siya ng kanyang mga katrabaho dahil team player siya.

Nakapanghihinayang lang ang nabuo nang samahan ni Maja at ng kanyang mga kasabayan sa ABS-CBN. Maninibago siya sa GMA-7. Pero lahat naman ay napag-aaralan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.