Abante Tonite Interactive

Female personality tsugi na endorser, soli-bayad pa

1,081

Alagang-alaga ng mga personalidad na nag-eendorso ng mga produkto ang kanilang mga imahe. Ingat na ingat silang sumablay, matindi kasi ang balik nu’n sa kontratang pi­nirmahan nila sa ahensiya, tatanggalin na sila bilang endorser ay ibabalik pa nila ang bahagi ng ta­lent fee na tinanggap nila.

Kaya nga may mga nagkahiwalay na mag-asawa na hindi muna umaamin tungkol sa kanilang sitwasyon habang may kontrata pa sila, deny lang muna sila nang deny, dahil malaki ang babayaran nila sa ahensiya.

Maraming probisyong nakasulat sa pinipirmahan nilang kontrata, kailangang sundin nila ‘yun sa ayaw nila’t sa gusto, kaya ibayong pag-iingat ang kakambal ng kanilang mga galaw.

May kuwento ang isang source tungkol sa ganitong sitwasyon, malaking-malaki ang mawawala sa isang kilalang-kilalang female personality na
tatanggalin na nga bilang endorser ng isang sikat na produkto ay kailangan pang magbayad sa ahensiya, kung bakit ay tanging siya lang at ang agency ang nakakaalam.

Kuwento ng source, “Makita n’yo, pagkatapos ng napapanood nating TVC niya ngayon, e, wala nang susunod pa. Ang version na lang na airing ngayon ang napapanood natin.

“After nito, e, wala nang kasunod, pero ang pinakamasakit na parte, e, kailangan niyang magbalik ng datung sa client.

“Meron siyang hindi natupad sa contract, alam na alam niya ‘yun, kaya wala na siyang magawa ngayon kahit pa kumuha siya ng battery of lawyers para labanan ang agency.

“Kailangan niyang magbalik ng pera sa client, siya ang hindi tumupad sa pinirmahan niyang kontrata, talaga yatang inaalat ngayong mga panahong ito ang lola n’yo!

“Isa lang ang sinasabi ng mga nakakaalam ng kuwento. Kasi naman! Kasi naman! Kasi naman! Napakatalino niya, pero kung minsan o mas madalas, e, mas nauunang gumana ang bibig niya kesa sa utak niya!” pagtatapos ng aming source.

Tom Cruise, Jacky Chan kinabog nina Alden-Kathryn

Nakakatuwa ang pagiging maka­bayan ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa Hong Kong. Wala silang pakialam kung mag-shoot man sa natu­rang bansa sina Tom Cruise at Jacky Chan, ang pakialam lang nila ay ang mga Pinoy na artista, lalo na ang kanilang mga paborito.

‘Yun ang dahilan kung bakit nahihirapan ang Star Cinema sa shooting ng pelikulang pinagbibidahan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo. Hindi sila makausad, hindi makukumpleto ang nakakalendaryo nilang sequences sa araw-araw, dahil sa pagkakagulo ng kanilang mga fans.

Kailangan pa namang sumentro ng mga eksena sa lugar kung saan nagtitipon-tipon ang mga Pinoy OFW tuwing Linggo, du’n mabubuo ang
pagmamahalan sa istor­ya, pero nahihirapan ang produksiyon.

Kuwento ng isang kaibigan naming may-ari ng agency na nagpapadala ng mga manggagawa sa iba-ibang bansa, “Ang ­unang tanong nga nila kapag paalis na, e, kung may mga artista raw bang nagpupunta sa destination nila?

“Lalo na sa Hong Kong, wala silang pakialam kung nandu’n man sila Julia Roberts na kilala sa buong mundo! Ang pinagkakaguluhan lang nila, e, ang mga Pilipinong artista.

“Sa Central Park pa naman kukunan ang mga scenes nina Alden at Kathryn, mahihirapan talaga ang production, balwarte ng mga Pinoy ang lugar na ‘yun tuwing Sunday. Fiesta para sa kanila ang araw na ‘yun,” kuwento ng aming kaibigan.

Dalawang sikat na artista ba naman ang nandu’n ngayon, tala­gang magkakagulo ang mga kababayan nating OFW, harap-harapan nilang nakikita ang kanilang mga idolo sa Hong Kong.