Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Female personality tsugi sa show

0 214

Maraming nagtataka-nagtatanong, bakit nga raw ba ganu’n, kapag nagkakaroon na ng exposure ang isang baguhang personalidad ay bigla nang lumalaki ang kanyang ulo?

Madalas mangyari ang kuwentong ganu’n, kapansin-pansin na kapag nagkakaroon na ng espasyo sa isang programa ang isang baguhan ay biglang nagbabago na ang kanyang ugali, nagkakaangas na.

Kuwento ng aming source, “Hindi ba, ganu’n din ang nangyari nu’n sa isang comedian na nu’ng mabigyan ng chance na mag-co-host sa isang show, e, lumaki rin ang ulo?

“Sasandaling panahon pa lang, e, naging problema na siya ng production dahil bukod sa palagi siyang late sa calltime, e, may mga pagkakataon pang hindi na talaga siya nagre-report sa show nang wala man lang abiso?” unang halimbawa ng aming impormante.

‘Yun din ang nangyari sa isang becking personalidad, nu’ng nagkarooon siya ng exposure sa sikat na programa ay biglang nagkaangas na rin siya, kaya pansamantala siyang pinagpahinga sa show.

Patuloy ng aming source, “Ano kaya ang akala nila, may forever sa career nila? E, hindi pa nga sila ang main host, suporta lang sila, pero nagpaparamdam na sila ng kaangasan!

“Daig pa nila ang main host, may napatunayan na, pero walang angas. At magkaroon man siya ng angas, e, may karapatan siyang gawin ‘yun dahil sikat na siya talaga!” reaksiyon ng aming impormante.

Ganu’n din daw kaya ang nangyari sa isang baguhang female personality na hindi na napapanood ngayon sa isang show kung saan siya nabigyan ng magandang exposure? Ano naman kaya ang kuwento tungkol sa kanya?

Balik-chika ng aming source, “Siguradong may dahilan kung bakit siya naligwak sa show. Kung walang napansin sa kanya ang production, e, di sana, nandu’n pa rin siya hanggang ngayon?

“Hindi naman kasi ang main host ang nakakapansin ng pagbabago, ang mga taong nagpapatakbo ng show ang nakakapansin nu’n, ipinararating na lang nila ‘yun sa kanilang main host.

“Naku, nagmaangas din kaya ang female co-host kaya wala na siya sa show ngayon? Sayang na sayang ang chance, binago ng show na ‘yun ang buhay niya, pero nawala pang parang bula.

“Nakakapanghinayang talaga ang nangyari sa kanya, super-sayang,” pagtatapos ng aming source.

Kylie bibigyan ng second chance si Aljur

May mga kakaining salita ngayon si Kylie Padilla. Sa dami ng pinakawalan niyang salita laban kay Aljur Abrenica nu’n ay wala siyang pamimilian ngayon kundi ang bawiin ang mga inilabas niyang kuwento tungkol sa kanilang paghihiwalay.

‘Yung isyu ng third party. Hindi ‘yun maikakaila ni Kylie dahil mismong tatay niyang si Robin Padilla ang nagsabing meron daw.

Kung sinu-sinong babae ang pinagbintangang third wheel sa kanilang relasyon, ‘yun daw ang ipinalit sa kanya ni Aljur, pero wala naman silang napatunayan.

Ngayon ay nagpaparamdam si Kylie na puwede raw niyang bigyan ng second chance si Aljur, nakikita raw naman kasi niyang nagbabago ang aktor, paano na ang salitang nakapanakit nu’n kay Aljur?

Basta-basta ganu’n na lang ba ‘yun? Ang maganda kay Aljur ay hindi ito sumagot sa mga bintang ni Kylie, walang kakaining salita ang aktor, nanatili itong tahimik lang nu’ng mga panahong walang nakikitang maganda sa kanya si Kylie.

Nagkakaisa ang marami sa pag-oopinyon na dapat nag-iisip muna ang aktres bago siya nagbibitiw ng mga salitang siguradong makapananakit sa damdamin ng kanyang mister.

Tulad ngayon, may ikalawang pagkakataon siyang sinasabi na puwede niyang ibigay kay Aljur, sino ang kahiya-hiya ngayon? Si Aljur ba na walang anumang binitiwang salita laban kay Kylie?

Huwag kasing nagpapatalo sa emosyon. Mag-isip muna nang libong beses bago magpakawala ng mga salita. Parang pusa ngayon si Kylie Padilla na kakainin ang sarili niyang suka.

Leave A Reply

Your email address will not be published.