Abante Tonite Interactive

Female personality walang alam sa kalokohan ng karelasyon

689

Nag-post ng nilalanggam sa katamisang mensahe ang isang kilalang female perso­nality para sa kanyang karelasyon. Mahihiya ang manggang hinog na binuhusan ng honey sa kanyang mensaheng pagkatamis-tamis.

Natural, maraming nainggit sa kanilang relasyon, tunay silang nagmamahalan kahit pa bumibilang na nang maraming taon ang kanilang pagsasama.

Pero marami ring nagtaas ng kilay sa mga papuring ipinangsuob ng female personality sa kanyang mahal. May mga naawa pa nga sa kanya dahil para siyang natutulog sa pancitan.

Kuwento ng aming source, “Nakakaawa naman si girl, talagang wala siyang kaalam-alam sa mga pinaggagagawa ng karelasyon niya, ‘no!

“Sobrang busy siguro siya kaya wala na siyang nalalaman tungkol sa mga extra curricular activities ng karelasyon niya! Nakakaawa naman siya,” seryosong komento ng aming impormante.

Wala naman kasing magdududa na may ginagawang kakaiba ang karelasyon ng female personality, “made in heaven” nga kung tawagin ang kanilang relasyon, pero hindi naman pala.

Sabi na lang ng source, “Or baka naman aware ang girl sa mga nangyayari, pero pinagtatakpan lang niya ‘yun through her posts na nakakakunsensiya.

“Kaya naman ganyan ang itsura niya, parang aburido sa buhay, kaya palagi siyang nakasima­ngot,” panghuling sultada ng aming source.
***

Manoy
nagpa-double
sa pagkahulog
sa bangin

Malutong ang mga buto ng mga nagkakaedad na. Konting maling kilos lang ay nananakit na agad ang kanilang katawan. Sabi nga ng maga­ling na chiropractor na si Dr. Rob Walcher, mister ni Patricia Javier, kapag may dinadampot tayo sa sahig ay kaila­ngan muna nating itiklop ang ating mga tuhod bago abutin ang nahulog.

Hindi na puwede ang diretsong pagdampot, du’n nagkakaroon ng pagkalinsad ng buto, apek­tado pati ang mga ugat kaya nasasaktan tayo.

At huwag na huwag din daw tayong nagpapalagutok ng mga buto sa likod. May kilala kaming aktres na hindi mapakali hanggang hindi pinatutunog ng masahista niya ang kanyang likod.

Parang langit para sa kanya kapag naririnig na ang sunud-sunod na paglalagutukan ng kanyang mga buto habang nakadapa siya, sarap na sarap ang female perso­nality, nu’ng huli namin siyang makita ay parang hukot na ang kanyang postura.

Naalala namin ang mga payo ni Dr. Rob Walcher dahil sa matinding kundisyon na pinagdadaanan ngayon ni Tito Eddie Garcia. Severe cervical fracture ang nangyari sa kanya sa isang aksidente sa taping.

Ang una at ikalawang vertebrate niya ang naapektuhan, kailangan siyang i-neckbrace kahit comatose, dahil konting galaw lang ay siguradong mas magpapalala sa kanyang sitwasyon.

Tanggapin natin ang katotohanan na sa edad niyang nobenta’y dos (hindi raw nobenta anyos ayon sa kanyang pamilya) ngayon ay malulutong na ang mga buto ng premyadong aktor-direktor.

Hindi na siya puwedeng isalang sa mga eksenang maaksiyon. ‘Yun ang dahilan kung bakit nu’ng ginagampanan niya ang papel ni Don Gustavo at may maaaksiyong eksena siyang dapat gawin ay palaging nandu’n lang ang kanyang ka-double.

Gusto pa ring gawin ‘yun ng kanyang isip, pero hindi na kaya ng kanyang pisikal na katawan, kaya iniingatan siya ng produksiyon. At hindi na kailangan pa ng paliwanag kung bakit, may edad na si Tito Eddie, passion niya ang pag-arte pero kailangan nang kambalan ‘yun ng iba­yong pag-iingat.

Double ni Tito Eddie ang napanood nating nagpagulung-gulong sa talampas sa Baguio City nu’ng magkaroon sila ng engkuwentro ng Vendetta. Nahulog siya sa bangin pero buhay pa rin pala siya!

Dasal pa rin ang kailangan ni Tito Eddie, taimtim na panalangin na sana’y malampasan niya ang matinding paghamong ito sa kanyang buhay at karera, walang imposible sa buhay na ito kapag sinsero ang ating pagtawag sa Kanya.