Abante Tonite Interactive

Female politician nangampanya sa ‘di nasasakupan

329

Nakakaaliw ang mga kuwento tungkol sa isang female politician. Hindi naman siya mali-mali, may pagkataklesa lang siya, kinaaaliwan din sa showbiz ang pulitikong ito.

Sa kanyang pangangampanya sa kanilang distrito ay palagi siyang nawa-wow mali! Napakasipag niyang mag-ikot na nagbunga naman ng maganda dahil nagtagumpay siya sa kanyang pagbabalik sa mundo ng pulitika.

Kuwento ng aming source, “Naku, palagi siyang nagkakalat sa pangangampanya niya! Nagpupunta siya sa lugar na hindi na sakop ng distritong tinatakbuhan niya!

“Sa pag-iikot niya, e, kamay siya nang kamay sa mga kababayan niya, wala siyang tigil sa pag-iikot, pero mali na pala ang mga lugar na pinupuntahan niya!

“Habang humihingi siya ng suporta sa mga kinakamayan niya, e, may magsasabi sa kanya, ‘Ma’m, hindi n’yo na po sakop itong lugar namin, sa ibang distrito po kami botante!’

“Nakakaloka! Hindi niya alam ang mapa ng lugar na tinatakbuhan niya! Basta, kamay lang siya nang kamay, kampanya siya nang kampanya, ‘yun pala, e, hindi niya naman mga botante ang hinihingan niya ng suporta!” humahalakhak na kuwento ng aming impormante.

Nakakaaliw talaga ang female politician na ito, pati ang kanyang ina ay karakter din, may sarili silang mundo.

“Matagal siyang namahinga, nakabalik na naman siya ngayon, masaya ito! Buhay na buhay na naman ang mag-inang karakter! Makulay na naman ang mundo ng pulitika dahil sa kanila!” tawa pa rin nang tawang kuwento ng aming source.

Hirit pa ng aming source, “Naku naman, ipagtatanong n’yo pa ba naman kung sino ang female politician na ito? Kapag hindi n’yo nahulaan kung sino siya, siguradong may magtutulak sa inyo sa Jones Bridge.
Ha! Ha! Ha! Ha!
***

Enchong, Felix, Luis epal kina Bong, Jinggoy

Naglipana ngayon ang mga personalidad na nakikisawsaw sa mundo ng pulitika. Karapatan naman nilang makialam, dapat lang silang mulat sa mga nagaganap sa kanilang bayan, pero may limitasyon dapat ang kanilang paghusga.

Matindi ang mga salitang binibitiwan nina Luis (Adrian) Alandy, Felix Roco, Enchong Dee at Alessandra de Rossi tungkol sa mga personalidad na lumahok sa eleksiyon.

Dalawang personalidad ang kanilang natumbok, sina dating Senador Bong Revilla at dating Senador Jinggoy Estrada, grabeng manglibak ang mga artistang ito.

Pinagmumura ni Felix Roco si dating Senador Bong Revilla, kung makapagsalita ito ay para bang meron na itong maipagmamalaki, kung ano ang galit ng aktor sa pulitikong ihinalal uli ng bayan ay ewan.

Si Alandy ay umeeksena rin, ibang klase ring maglampaso ng kaindustriya ang personalidad na ito, kailangan na sigurong rolyohan ito ng kanyang manager na si Noel Ferrer na hindi man gusto ang isang pulitiko ay hindi namemersonal.

Iisang industriya ang kanilang kinabibilangan, hindi bale na sanang sa iba mangga­ling ang mga pang-aalipusta at madaling unawain ang ganu’n, pero mismong mula sa mga kasamahang artista pa ng dalawang pulitiko magmumula ang masasakit na salitang hindi makakain ng kahit gutom na aso?

Bobo raw ang mga bumoto sa magkaibigang pulitiko, kung napakatalino ng tingin nila sa kanilang mga sarili, di sila ang kumandidato?

Napakasakit magsalita ni Luis Alandy, bakit, ano na ba ang naipong kredensiyal ng aktor na ito para magkaroon ito ng karapatang manglaglag at mang-alipusta ng kanyang mga kapwa artista?

Sinasang-ayunan namin ang tawag sa kanila ni Manay Lolit Solis, mga starlet sila, kulang pa sa mga katangian para ibagsak ang kanilang mga kaindustriya.

Bobo pala ang mga kababayan nating nagpa­kahirap at nagpakagutom sa pagpila para lang bumoto. E, di sila na ang pinakamatalino!

Ang trabaho na lang nila ang kanilang asikasuhin, pag-ibayuhin nila ang galing sa pag-arte, hindi ‘yung ganyan na mismong mga kasukob nila sa payong ng industriya ang kinakalampag nila.