Abante Tonite Interactive

Female singer epal ang dyowa

By
2,534

PUMUTOK na ang kuwento tungko­l sa tahasang pag-ayaw ng pamilya ng isang magaling na female performer sa kanyang karelasyon. May malaking gulo na namamagitan ngayon sa kababayan nating female singer at sa kanyang mga magulang.

Madiin pang sabi ng aming source, “Ngayon lang hindi sumama sa kanya ang parents niya. ‘Yung boyfriend niya ang kasama niya ngayon dito.”

Maging ang tumata­yong manager dito ng female singer ay nagkakaroon na rin ng problema sa kanyang boyfriend. May nangyayari nang argumento, hindi na sila nagkakasundo, kaya naiipit sa dalawang puwersa ang singer.

Patuloy ng aming kausap, “Paano naman, umeepal ang boyfriend ni ____(pangalan ng female performer na sinuporta­han ng ating mga kababa­yan sa text votes nang sumali siya sa isang malawakang talent search)!

“Nagbu-book siya ng mga shows nang hindi alam ng manager ng girlfriend niya! Nawiwindang na lang ang manager dahil meron na palang show sa ganito at ganyang probinsiya ang alaga niya!

Walang karapatang makipagtransaksiyon ang lalaki sa kahit sino, wala siyang hawak na lisensiya, dahil hindi siya ang local counterpart ng management agency sa ibang bansa ng girlfriend niya!

“Napakalaki na ng sakripisyo ng manager dito ng girl, malaking halaga na ang ginagastos niya, malaki na ang naipupuhunan niya, tapos, ang boyfriend ng alaga niya ang makikialam sa mga transaction?” madiin pang kuwento ng aming source.

Sobrang inlabey raw kasi ang female performer ngayon, ‘yun din ang dahilan kung bakit pati ang kanyang mga magulang ay hindi na niya pinakikinggan, bulag na bulag daw sa pagmamahal ang ating kababayang singer sa kanyang boyfriend kaya hindi niya ito mapagbawalang makialam sa kanyang singing career.

Ganu’n na ganu’n!

***

ANG naturalesa ng isang tao ay hindi kayang pagbaguhin ng kasikatan at kayamanan. Kung ano siya ay siya na ‘yun, wala nang pagbabago, nasa puso na niya ang kabutihan.

Marami na kaming naririnig na kuwento tungkol sa busilak na puso ng Pambansang Bae. Marami siyang natutulungang mga kababayan natin na hindi na niya ipinagmamalaki.

Dagdag na kumplemento pa kay Alden Richards­ ang pagiging ma­lapit at mabuti niya sa mga kababayan nating nagpapa-picture sa tabi niya. Sasabihin nating mababaw na halimbawa ‘yun pero hindi.

Maraming artistang hindi nagbibigay ng pagpapahalaga sa kanilang mga fan, sampu-sampera ang mga personalidad na hindi nagbibigay ng importansiya sa suportang ibinibigay sa kanila ng publiko, walang katapat na kahit magkano ang panahong ibinibigay ni Alden sa mga Pinoy na humihiling ng retratong katabi siya.

Kailan lang ay muling sinaluduhan si Alden ng ating mga kababayan sa ipinakita niyang kabutihan ng puso para sa isang matandang may karamdaman na ay nagsasakripisyo pa ring mamasukan bilang tagahugas ng pinggan para lang marausan ang pang-araw-araw nitong mga pangangailangan.

Para siyang si Willie­ Revillame na kapag ma­tatanda na ang sangkot ay lumuluha ang puso sa sobrang pagkaawa. Sinagot ni Alden ang pambili ng gamot ni Lola Alberta.

Bukod du’n ay pinangakuan din ng guwapong aktor nang bu­wanang allowance ang matanda, para hindi na ito maghugas ng pinggan na na­giging dahilan ng pamamanhid ng mga kamay nito.

Nagkataon lang na sa Eat…Bulaga! nangyari ang pagbibigay niya ng ayuda sa matanda, pero hindi na mabibilang ang pag-aabot ng biyaya ni Alden sa mga kababayan nating kapuspalad, tahimik niyang ginagawa ‘yun dahil nagmumula ang kanyang pagtulong sa puso.

Pagtatangkaan siyang ibagsak ng ibang puwersa, sisiraan siya’t mamaliitin ng iba d’yan, pero ang kabutihan ng kanyang puso at kunsensiya ang paulit-ulit ding magtatayo kay Alden Richards.