Abante Tonite Interactive

Female singer maagang nag-ulyanin

277

tonite-no-thanks-cristy-fermin

NAGSIMULA lang ang lahat sa pagiging malilimutin ng isang pamosong female singer. Tumatanggap siya ng show, malinaw ang usapan na sa ganito at ganyang petsa at araw ang kanyang performance, pero nakakalimutan niya.

Mabuti na lang at panay-panay ang pagpa-follow-up ng kanyang katransaksiyon, palagi siyang pinaaalalahanan, dahil kung hindi ay hindi na niya maaalala na meron nga pala siyang show.

Kuwento ng ­aming source, “Nagsimula lang ‘yun sa palagi niyang pagkalimot sa mga tinatanggap niyang shows. Hanggang sa tuluyan na siyang nakalilimot sa mga tinatanguan niyang performance.

“Hanggang sa nalaman na lang ng mga kaibigan niya na parang wala na siyang naaalala. Maaga siyang parang nag-uulyanin. Humina na ang retention niya, talagang hirap na hirap na siyang alalahanin ang mga nangyayari sa buhay niya,” kuwento ng aming impormante.

Mabuti na lang at may magandang kabuhayan ang napangasawa niya, kayang-kaya siyang ipagamot sa mga espesyalista, kaya agaran siyang dinala sa ibang bansa para maipa-check-up.

“Ang bata-bata pa niya para maging malilimutin, napakamasayahin pa naman ng girl na ‘yun, malakas ang sense of ­humor niya. Marami siyang kaibigan, maru­nong siyang makisama.

“May mga nakapansin na sa kanya sa mga huli niyang performance. Nagkakamali siya sa mga lyrics ng song niya. Nagpapatawa na lang siya kapag ganu’n.

“So, ang akala naman ng mga friends niya, e, uma-adlib lang siya, pero ‘yun na pala ‘yun, nag-uumpisa na pala ang pagiging makalilimutin niya. Napakaagang nangyari sa kanya ang ganyan, ang galing-galing pa naman niyang mag-perform.

“Sana, makabawi pa siya, magamot na sana ang problema niya, parang haligi na rin kasi siya ng mundo ng musika. Sana, makabalik agad siya sa pagkanta na mahal na mahal niya,” hiling ng aming source.

Harinawa.

Vice binigyan ng sobrang tubo

MALAPIT nang matapos ang pagpapalabas ng mga pelikulang lahok sa MMFF. Puwedeng maiwanan pa rin sa mga sinehan ang mga pelikulang namimiruya ng pera ng bayan pero ang mahihina at napag-iiwanan ay hanggang du’n na lang.

Nagtagumpay si Vice Ganda, ang kanyang Fantastica ang nangu­nguna sa laban, anumang pintas ang sabihin ng iba tungkol sa kababawan ng pelikula ay yakap na ni Vice Ganda ang tagumpay sa takilya.

Sabi ng kaibigan naming si SOS, “Good karma kasi si Vice, napakarami niyang literal na napapasaya araw-araw dahil sa It’s Showtime.

“What you sow is what you reap, sabi nga, kaya ina­ani lang ni Vice ang magagandang nagawa niya sa buong taon. Marami siyang natutulungan, marunong siyang mag-share, maru­nong siyang lumingon sa kanyang pinanggali­ngan,” papuri sa sikat na komedyante ni SOS.

Sinasang-ayunan ­namin ‘yun, may pelikula o wala si Vice ay nasa puso niya ang pagtulong sa mga nangangaila­ngan, tulad ng mga bata sa kanilang barangay sa Maynila.

May ibinibigay siyang budget sa kanilang barangay chairman para ipambili ng agahan ng mga batang pumapasok sa eskuwela. Walang palya ‘yun, buong taon niyang ginampanan ang pagpapakain sa mga bata, dahil ang kanyang katwiran ay mas gagana ang utak ng mga mag-aaral kapag busog sila.

Hindi siya ­ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig, alam ni Vice ang pagiging mahirap, kaya ngayong sobra-sobra naman ang biya­yang tinatanggap niya ay ibinabahagi niya ‘yun sa mga mas nangangaila­ngan.

Bilyonaryo na si Vice Ganda. At ang lahat ng meron siya ngayon ay sobra-sobrang sakripisyo at talento ang pinagmulan.

Nagsimula siya sa ibaba bilang stand-up comedian, sinuwerteng nagkaroon ng show at mga pelikula, hanggang sa binugbog na siya ng mga biyaya ng ­kapalaran.

Inaani lang ni Vice Ganda ang mga itinanim niya. Nakuha na niya ang puhunan at sobra-sobrang tubo pa ang ibi­nigay sa kanya.(Cristy Fermin)