Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Female singer nilait ng mga kababayan

0 1,014

Dati nang puring-puri ng kanyang mga kababayan ang isang kilala at magaling na female performer.

Sa kabila kasi ng mga salitang natikman niya nu’ng walang-wala pa ang kanyang pamilya ay hindi siya nagtago ng galit sa kanyang puso.

Katakutakot na pamimintas ang tinanggap ng magaling na singer mula sa kanyang mga kababayan, paano raw sisikat ang isang hindi naman kagandahang tulad niya, mabibigo lang daw siya.

Pero naging mabait ang kapalaran sa female singer, kinilala siyang isa sa mga poste ng musikang Pilipino, hanggang ngayon ay aktibo pa rin siya sa pagkanta.

Kuwento ng aming source, “Galing kasi siya sa mahirap na pamilya, nakikipagtrabaho lang ang tatay niya sa isang haciendero sa lugar nila. Kapos na kapos sila sa buhay.

“Isa ‘yun sa mga dahilan kung bakit nagsikap talaga nang husto ang girl, gusto niyang maiahon sa hirap ang family nila. Palagi siyang sumasali nu’n sa mga amateur contest, panalo siya palagi, malaking tulong sa pamilya nila ang maliit lang namang premyong napapanalunan niya,” pagpapakilala ng aming impormante sa pinagmulan ng magaling na female singer.

Matindi ang pinagdaanang hirap ng female singer bago siya nakilala, kung anu-anong labanan ang pinasok niya, hanggang sa talagang ngitian na siya ni lady luck.

Patuloy ng aming source, “Natural, gumanda ang buhay niya, una niyang inasikaso ang pamilya niya sa probinsiya. Ipinagpatayo niya agad ng bahay ang mga magulang niya, pinag-aral niya ang mga kapatid niya, ibinili rin niya ng sakahan ang father niya para hindi na nakikipagtrabaho sa hacienda.

“Alam n’yo ba kung bakit siya sobrang blessed? Wala siyang itinatagong galit sa mga taong namintas nu’n sa kanya. Instead, binibigyan rin niya ng ayuda ang mga kapitbahay nilang kung anu-anong pangmamaliit ang ginawa sa kanya.

“Ganu’n kaganda ang puso ng female singer, wala siyang bitbit na galit sa kabila ng mga pamimintas na inabot niya nu’ng nangangarap pa lang siya.

“Napakadaling hulaan kung sino siya, isang bagsak lang ang name niya. Ang pangalan niya sa Spanish, e, napakatamis,” nakangiting pagtatapos ng aming impormante.

-o0o-

Bong ‘di kinalawang

Inabangan namin ang unang sultada ng pagbabalik-serye ni Senador Bong Revilla. Hindi kami nagsayang ng oras at bayad sa kuryente sa pagtutok namin sa “Agimat Ng Agila.”

Bilang si Major Gabriel Labrador na isang forest ranger na nagpapahalaga sa ating kalikasan ay panalung-panalo pa rin ang kanyang pagganap. Hindi kinalawang ang kanyang talento sa mahaba ring panahong hindi siya humarap sa mga camera.

Komento ng isang kaibigan naming nakatutok din sa “Agimat Ng Agila,” “Walang kupas ang kaguwapuhan ni Senador Bong! At magilas pa rin siyang kumilos, action star na action star pa rin siya.”

Maganda ang proyekto sa kanyang pagbabalik-telebisyon. May saysay ang istorya. Maraming mapagmahal sa mga hayup ang matutuwa sa ipinakikitang magandang ehemplo ng serye, ang tutok ng kuwento na nagbibigay ng babala sa matinding pagbaha dahil sa ilegal na pagputol ng mga kahoy sa kabundukan ay napapanahon, para sa bayan ang ikot ng kuwento.

Sa huling kuwadro sa unang buhos ng serye ay magsisimula na ang agimat ng bida, sa susunod na Sabado ay lulutang na ang pinananabikang eksena ng ating mga kababayan, buhay na buhay na uli ang agimat ni Senador Bong Revilla! (30)

Leave A Reply

Your email address will not be published.