Abante Tonite Interactive

Female singer nilulustay ang kita

1,341

tonite-no-thanks-cristy-ferminAng pagiging inggitera at sosyalera pala ng mommy ng isang pamosong female performer ang isa sa mga dahilan kung bakit nauwi sa nganga ang lahat ng kanyang mga pinaghirapan.

Napakalakas kumita nu’n ng performer, puro sa iba-ibang bansa pa nga ang kanyang mga shows, dolyares ang tinatanggap niyang talent fee. Sa dami ng mga ginawa niyang concert ay ano na nga ba ang nangyari sa kanyang mga kinita?

Kuwento ng aming source, “Naku, ang nanay pa ang mataray nu’ng tanungin siya ng anak niya kung anu-ano na ang naipupundar nila bukod sa isang bahay. Instead na maglitanya siya ng mga nabibili na nila, e, nagtatalak agad si mudra!

“Bakit daw, wala bang tiwala sa kanya ang anak niya at nagtatanong na sa kanya? Wala kasi siyang masabi, wala siyang mailitanya kung nasaan na ang mga kinita ng anak niya!

“Ganu’n siya palagi kapag nagtatanong ang anak niya, talak ang isinasagot niya, hindi niya masabi kung nasaan na ang datung na pinaghirapang kitain ng anak niya!” nakaismid na kuwento ng aming impormante.

Habang nagpapakahirap sa pagkayod ang kanyang anak sa ibang bansa ay merong ibang pinagkakaabalahan si mommy dearest. Mahilig itong mag-shopping.

Patuloy ng aming source, “Kasi nga, mula nu’ng sumikat na ang anak niya, e, bumaklas na sa mga dati niyang kaibigan si mother. Puro yayamanin na ang mga kinakaibigan niya.

“Natural, nakikipagpaligsahan na siya sa porma ng new circle of friends niya. Kailangan nang puro branded ang mga stuff niya, kailangang alahada na rin siya, para maka-level sa mga kaibigan niya!

“Du’n halos napunta ang kadatungan ng anak niya, sa sobrang pagiging flaunty niya, may pagkainggitera at ma­yabang kasi si mommy! Nakikipagsabayan siya sa mga kaibigan niyang bago, e, wala naman siyang kinikita!

“Nakakaawa ang anak niya, halos mawalan na ng boses sa kakakanta, pero hindi niya naman nakita kung saan nauwi ang mga pinagtrabahuhan niya!” napapailing na pagsasarado sa kuwento ng aming source.

Jenine may bombang pasasabugin kay Elmo

Nangangamoy-hiwalayan na ang pagmamahalan nina Elmo Magalona at Janella Salvador. Hindi na siguro puwedeng tagpian ang kanilang problema dahil bumalik na ang dalaga sa poder ng kanyang ina.

Napakasakit para kay Elmo ang ginawang hakbang ng kanyang girlfriend. Si Jenine Desiderio na palaging kontrabida sa kanilang relasyon ang piniling makasama ngayon ni Janella.

‘Yun na ang pinakaultimo. Ang mag-inang palaging nagbabangayan ang magkakampi na ngayon sa laban. Nasaan na ngayon si Elmo?

Sobra ang pasasalamat ni Jenine dahil nagbalik-bahay ang kanyang anak sa mismong kaarawan pa niya. Kinumpleto ni Janella ang kaligayahan ng kanyang mommy.

At ngayong magkasama-magkasangga na ang mag-ina ay kailangang maghanda si Elmo. Siguradong kapag ibinuga ni Janella ang saloobin nito sa kanyang ina ay malaking bomba ang pasasabugin ni Jenine.

Walang pakialam si Jenine sa kahit sino, kahit nga ang kanyang anak ay nakakatikim mula sa kanya, siya pa nga ang naglalantad sa social media ng mga ikasisira ni Janella.

Si Elmo Magalona pa kaya ang panilagan ni Jenine, samantalang mula nang maging magkarelasyon ang aktor at ang kanyang dalaga ay palagi na siyang nakakontra, ngayon pa ba magpipigil si Jenine sa paglalantad ng kung ano ang nangyari sa dalawa?

Kailangang humawak na sa kanyang pundilyo si Elmo Magalona, malapit nang sumabog ang bomba, lahat-lahat ay si­guradong ililitanya na ni Jenine Deside­rio dahil bumalik na ang anak niya.