Abante Tonite Interactive

Female singer siniraan ng ama

558

Heto na naman ang kuwento tungkol sa isang kilalang personalidad na mismong kadugo pa niya ang nag-lalabas ng mga problema nila sa publiko. Sa halip na pag-usapan na lang nila nang maayos at tahimik ang problema ay ipinaaalam pa nila ‘yun sa ating mga kababayan.

Maraming nakikisimpatya ngayon sa isang magaling na female singer na dumadaan sa matin-ding problemang pampamilya. Makapamilya ang female singer, hindi niya sinasarili lang ang kanyang kinikita, binigyan niya ng magandang buhay ang mga taong mahal niya.

Kuwento ng aming source, “Instead na pag-usapan na lang nila ang kanilang problema, e, ipinagbabanduhan pa ‘yun ng father niya sa social media. Nakakaawa naman ang girl.

“Sa totoo lang, hindi na siya menor de edad para makipagrelasyon. Saka hindi niya kailanman pinabayaan ang family niya. Halos maputol na nga ang mga ugat niya sa leeg sa kakakanta, pero ito pa pala ang magiging premyo niya?

“Ang sirain siya in public? At ang masakit pa, e, mismong father pa niya ang naglalabas ng mga kuwento tungkol sa pagpapabaya raw niya sa family niya,” napapailing na kuwento ng aming impormante.

Ang nakakalungkot na parte ng kuwento ay matagal pala nilang hindi nakasama ang kanilang ama, ‘yun ang dahilan kung bakit maagang nagtrabaho ang magaling na female singer, nagbalik na lang ito nu’ng nakikilala na siya.

Patuloy ng aming source, “Anong pagpapabaya ang sinasabi ng father niya? E, lahat nga ng naiipon nu’ng girl, e, iniwanan lahat sa kanila!

“Walanghiyang anak pa ba naman siya nu’ng lagay na ‘yun? Nagsarili man ang female singer, e, inayos niya muna ang kapakanan ng family niya!

Milyones ang iniwan niya, hindi barya-barya lang!

“Hindi na lang niya natagalan ang sobrang pinagsasasabi ng father niya, pero hindi siya nakikipag-live-in sa boyfriend niya, gusto lang talaga niyang matahimik ang buhay niya!

“Bigyan naman sana ng father niya ng pagkakataong maging maayos ang anak niya! Huwag ganyan na siya pa mismo ang sumisira sa image ng girl!” madiing pagtatapos ng aming source.

Kathryn, Alden pinagtatalunan kung sino ang nagdala ng pelikula

Dahil sa malaking tagumpay ng p­elikulang pinagtambalan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo ay may namumuong isyu ngayon kung sino talaga sa dalawa ang nagdala ng pelikula.

Palapit na sa 800 million ang kinikita ngayon ng Hello, Love, Goodbye, patuloy pa ring pinipilahan ang pelikula, kaya malaki ang posibilidad na maabot nito ang halos isang bilyong pisong marka sa takilya.

Hindi na dapat pang maging argumento kung sino kina Alden at Kathryn ang bumuhat sa Hello, Love, Goodbye. Ang mahalaga ay nangwasak ng takilya ang tambalan ng dalawang artistang hindi naman personal na magkakilala pero sinugalan ng Star Cinema.

Napakagaling ni Kathryn sa movie, matagal nang pinatunayan ng dalaga ang galing niya sa acting, magaling din si Alden Richards na ikinagulat ng ating mga kababayan dahil hindi lang pala naman pakilig ang alam ng Pambansang Bae.

Walang sukatan ng exposure, hindi na dapat pang pagtalunan kung sino talaga ang nagdala ng pelikula, sapat nang patunay na pareho nilang ginawa ang lahat ng kanilang makakaya para maibigay sa ating mga kababayan ang nararapat para masulit ang ipi-nambayad nila sa sinehan.

At ito ang totoo. Kung sakali namang hindi sina Alden at Kathryn ang nagtambal sa Hello, Love, Goodbye ay siguradong hindi ganito ang naging resulta ng pelikula.

Maiiba, magbabago, hindi ganito katindi ang tagumpay. Malakas ang panghatak ni Kathryn, may malakas na karisma rin si Alden, kaya nang pinag-halo ang magkapareho nilang lakas ay tagumpay ang kinauwian.