Abante Tonite Interactive

Female singer super feelingera

By
892

tonite-no-thanks-cristy-ferminNakakaaliw ang mga kuwento tungkol sa isang beteranang babaeng singer na pinarangalan kailan lang. May nakalaang upuan para sa kanya sa bandang harapan pero hindi muna siya du’n pumuwesto.

Sa halip ay nakita siyang nasa isang madilim na gilid at retouch nang retouch ng kanyang make-up. Nag-aalala ang mga miron na nakakakita sa kanya dahil baka kumapal na nang kumapal ang kanyang foundation.

Kuwento ng aming source, “Ganu’n pala siya? Retouch siya nang retouch! Kundi mo siya sisipating mabuti, e, hindi mo siya makikilala, meron ba naman kasing performer na magpupunta sa dilim?

“Pagkatapos niyang mag-retouch nang maraming beses, e, niyaya na niya ang kasama niya, punta na raw sila sa lugar na para talaga sa kanya,” humahalakhak na kuwento ng aming impormante.

Kahit naman nu’ng kasagsagan ng kasikatan ng mga kanta ng beteranang singer ay palagi siyang naba-blind item tungkol sa kanyang mga kakuwanan sa buhay.

Pag-alala ng isa pang source, “Di ba, kapag bumibiyahe siya sa mga probinsiya, e, palagi niyang sinasabi sa mga kasama niya, ‘Alam kaya ng dalawang lalaking nagbibilad ng palay na ako ang dumadaan sa harapan nila?’

“Ganu’n siya palagi, feeling na feeling talaga siya, meron pa siyang, ‘Alam kaya ng mga taong ‘yun na si ____(ang kanyang pangalan) ang sakay ng van na dumadaan nga­yon?’

“Tapos, nu’ng sa madawag na silang place, ‘yung wala nang mga bahayan sa lugar, ang sinasabi niya naman, ‘Naku, alam kaya ng mga puno at lupa dito na ako ang dumadaan?’

“Minsan, sa pagbibiyahe nila ng kanyang grupo, e, napahinto sila sa harap ng tindahan. May mga nag-iinuman du’n.

Bigla niyang sinabi, ‘Naku, walang kaalam-alam ang mga nag-iinumang ‘yan na ako pala ang sakay ng van na natatrapik sa harapan nila! Kung alam lang nila, mawawala ang kalasingan nila!’

“Nakakalorky siya, di ba naman? Super-feeling siya!” halak­hak nang halak­hak na pagtata­pos ng aming impormante.
Ha! Ha! Ha! Ha!

Coco hawak sa leeg ang manonood

Grabe ang telepono namin nu’ng Martes nang gabi, walang tigil sa katutunog, kundi tawag ay text ang tinatanggap namin. Pero tuwing commercial break lang namin sila sinasagot dahil abala rin kami sa pagtutok sa Ang Probinsiyano.

‘Yun na! Panalo ang eksenang iniligtas ni Ricardo Dalisay (Coco Martin) ang presidenteng ginagampanan ni Rowell Santiago, bayaning-bayani si Cardo sa tagpong ‘yun.

Sabi ng isang sorority sister na nakatutok din, “O, ha? Pinalipad niya ang motor niya, bumagsak sa kabila ng tulay, nasapul niya ang mga papatay sa pamilya ng pangulo! Saan ka pa? Parang pelikula na ang pinanonood mo!”
Komento naman ni prop, “Sabihin na nating imposibleng mangyari sa totoong buhay ang mga ginagawa ni Coco sa serye, pero hawak niya pa rin sa leeg ang manonood!

“Punumpuno ng aksiyon ang serye, grabe ang ginagastos ng production sa blank bullets, walang tigil ang putukan! Ang boy nga namin, kausapin mo na siya sa maghapon, huwag mo lang siyang aabalahin kapag oras na ng Ang Probinsiyano! Hiningi niya ‘yun sa amin!” tawa nang tawang kuwento ng kaibigan naming propesor.

Ang tanungan ngayon ay kung sinu-sino sa mga miyembro ng pamilya ng presidente ang mamamatay? At malapit na ang katapusan nina Edu Manzano at John Arcilla na dahil sa kasuwapangan sa posisyon ay puro kabuktutan ang ginagawa.

Hawak na ng Vendetta ang presidente. Alam na! Ha! Ha! Ha! Ha!