Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Female tv host binabato ang silya sa galit

0 73

Kilalang-kilala ang isang pamosong female TV host sa sobrang mahigpit sa kanyang production staff. Grabe siyang magtungayaw kapag pumapalpak ang kanyang mga tauhan.

Ibinabato niya ang mga video tapes, ibinabato niya pati ang mga silya kapag galit na galit siya, sa lahat kuno ng ayaw niya ay tanga.

Ganu’n siya katinding magwarla kaya maraming staff niya ang hindi tumatagal na magtrabaho sa kanya. Lumilipat sila sa ibang programa na hindi masyadong mahigpit ang host, hindi nagwawala, hindi nagsasalita nang masakit.

Pero may kuwento naman ang aming source bilang pambawi sa kahigpitan ng female TV host, ang una nitong kuwento, “Pero marunong siyang humingi ng sorry pagkatapos niyang magalit. Personal niyang nilalapitan ang staff niya.

“Nagpapaliwanag siya na gusto lang naman niyang maging maayos ang kanilang show, ‘yong hindi uulitin pa ang trabaho, ‘yon lang naman palagi ang gusto niya.

“Marunong siyang humaplos. Sinosorpresa niya ang staff sa pamamagitan ng mga regalong siya talaga ang bumili at naghanda. Ganu’n siya,” sabi ng aming impormante.

Nu’ng minsang magpunta ang grupo sa isang malayong probinsiya ay nilagnat ang isa niyang staff. Mataas ang lagnat nito, napakalayo nila sa bayan, kaya ang female TV host ang nagbantay sa kanyang staff nang magdamag.

“Kahit matapang siyang boss, e, meron siyang heart and compassion na wala ang ibang host talagang siya ang nagbantay sa nilalagnat niyang staff, siya ang nagpapainom ng gamot religiously at siya rin ang matiyagang nagpupunas sa buong katawan ng maysakit.

“Nang gumaling na ang staff, e, iyak siya nang iyak, niyakap niya ang kanyang boss, pinasalamatan, ‘Pasensiya na po sa mga pagkukulang ko. Pasensiya na po kung pinagagalit ko kayo,’ sabi sa kanya ng staff na umiiyak.

“Tawa lang nang tawa ang TV host, tama na raw ang drama, ang mahalaga, e, magaling na siya. Ganu’n naman siyang bumawi, maasikaso siya sa staff niya, handa na ba kayong hulaan kung sino siya?” natatawang pagtatapos ng aming source.

Willie 5 lang ang staff

Nakakatawang-nakakatuwa si Willie Revillame. Sinimulan niya uli ang pagso-show nang live nu’ng nakaraang Lunes na lima lang ang kanyang staff. Wala ang mga dancers na regular na napapanood sa Wowowin-Tutok-To-Win.

Sa unang araw ay kapos sila sa ilaw, hindi rin maganda ang tunog nila sa live, pero inilaban ni Willie ang pagso-show.

Sa ikalawang araw ay medyo nadagdagan na ang kanyang mga ilaw, gumaganda na rin ang tunog sa lugar kung saan ginaganap ang programa, ilang araw pa at maayos na ang show.

“Pasensiya na po kayo, lilima lang kaming nagpapatakbo ng show, tulung-tulong lang muna kami. Ang head writer kong si Rod Divinagracia ang nagdidirek, kaya niya naman, mairaos lang namin ang programa,” pahayag ng TV host.

At ang kanyang mga palaro ay maikukumpara sa mga pamperyang paraan. Meron siyang beto-beto, pinahuhulaan niya kung anong kulay ang kanyang medyas, sampung libong piso ang premyo sa bawat tamang sagot.

“Ako mismo, naaaliw ako sa mga pinaggagagawa kong game. Isipin mo, para akong nasa peryahan na nagpapahula kung nasaan ang barya?

“Lahat, gagawin ko kahit pa magmukhang katawa-tawa ako, makatulong lang ako sa mga kababayan natin! Ang thirty thousand na premyo nila sa Wowowin, e, napakalaking tulong na sa kanila sa mga panahong ito!

“Pataas nang pataas ang numero ng mga nagkakasakit, hindi na naman nakapagtatrabaho ang mga kababayan natin, imagine ‘yong hirap na pinagdadaanan nila ngayon?

“Kaya basta makatulong lang ako, ilalaban ko ang pagla-live show, ang mahalaga, ‘yong makaluwag sila ngayong pandemya, lalo na ang mga may-sakit,” kuwento pa ni Willie.

Ikalawang beses nang itinawid ni Willie ang kanyang programa. Una ay nu’ng bagong sultada pa lang ng COVID-19 nu’ng 2020, nasa Mindoro sila nu’n, ikalawa ngayon kung saan ginaganap ang kanyang show sa Iruhin, Tagaytay sa mismong bakuran niya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.