Abante Tonite Interactive

Fencer Catantan gold sa Malaysia

224

Pinakita ni 2017 Malaysia Southeast Asian Games silver medalist Samantha Kyle Catantan ang kahandaan sa nalalapit na 30th SEA Games 2019 sa bansa sa Nobyembre 30-Disyembre 11.

Ito’y nang umeskrima siya ng gold medal para sa dagdag niyang kanyang koleksiyon sa kadaraos lang na 2019 Malaysian Open Fencing Tournament sa Kuala Lumpur.

Dinaig ng 17-anyos na University of the East sophomore ang iba pang 15 fencers mula sa Asia sa paborito niyang women’s foil event upang itakda ang kanyang kuwalipikasyon sa bansa para sa nalalapit na 11-nation, 12-day biennial meet.

Tinagpas ni Catantan si Amirah Sofea Ahmad Puad ng host country, 15-6, sa quarterfinals; si Ploypaylin Thongchampa ng Thailand, 15-12, sa semifinals, at si Thai Chayanutphat Shinnakerdcorke, 15-3, sa finals upang kumpletuhin ang kanyang dominasyon sa torneo.

Nakatakda pang sumabak si Catantan sa dalawang internasyonal na torneo sa Uzbekistan at Netherlands sa susunod na buwan bilang parte ng kanyang puspusang paghahanda para sa asam na SEAG gold. (Lito Oredo)