Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Fernandez hinimok mga atleta na maka-medalya

0 53

Pinalakas ni Philippine Sports Commission Commissioner Ramon Fernandez ang loob ng mga atletang Pinoy sa beach handball at kickboxing na asintang mga makamedalya sa 31st Southeast Asian Games 2022 na sisiklab sa Mayo 12-23 sa Hanoi, Vietnam.

Binisita ni Fernandez, ang Team Philippines chef de mission sa 11-nation, biennial sports meet, ang billeting areas ng dalawang sports, at nagpahayag ng inspirasyon sa mga manlalaro na gawin ang lahat ng makakaya upang maipagmalaki ang bansa.

“Our athletes have prepared well for the SEA Games, and I trust that all of them will put in their best effort to deliver those medals,’’ bulalas ni Fernandez.

Pinamudmod naman ng PSC staff ang allowances ng mga team at tiniyak ang buong suporta ng ahensya ng gobyerno sa sports na ipagkakaloob ang lahat ng pangangailangan ng bawat player at coach.

Dumating na rin ang men’s football team sa Hanoi. Lalapag naman ang women’s football, kurash/judo, rowing, at diving ngayong Biyernes, anim na araw bago magbukas ang 11-day sportsfest.

Ang PSC ang nagpondo sa paglahok ng mapuwersang 879-katao delegasyon ng ‘Pinas, kinabibilangan ng 641 athlete at 238 official na atat maka-gold medal sa 39 sa 40 sports na mga paglalabanan.

Ang Team PH ang defending overall champion, bumida nang ganapin sa bansa ang SEAG noong 2019 sa mga sinungkit na 149 gold, 117 silver at 121 bronze medals para sa pangalawang pangkalahatang titulo makaraan ang 2005 sa Maynila. (Abante TONITE Sports)

Leave A Reply

Your email address will not be published.