Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Fernando Poe Jr. Avenue swak sa masa

0 86

Hati ang pananaw ng publiko sa dalawang panukalang batas na magkahiwalay na isinalang sa Kamara at Senado para palitan ng “Fernando Poe Jr. Avenue” ang San Frisco Del Monte Avenue sa Quezon City.

Ayon sa Orders of Friars Minor (OFM) of San Pedro Bautista, malalim ang kasaysayan at kahulugan para sa kanila ng San Frisco Del Monte Avenue dahil ang isa sa tinaguriang “26 Martyrs of Japan” na si San Pedro Bautista ang nagtatag ng San Francisco del Monte retreat sa lugar na kalaunan ay tinawag na Del Monte Avenue kaya hindi makatwirang basta na lamamg palitan ito ng pangalan.

Ayon sa grupo, para na ring nilapastangan at hindi iginalang ang mga alaala at sakripisyo ni San Pedro Bautista kapag tuluyang pinalit ng pangalan ang lugar.

Para naman sa historian na si Ambeth Ocampo, hindi makatarungan at hindi makatwiran ang hakbang na ito ng mga mambabatas na nagsulong ng panukalang batas dahil malinaw na kawalan aniya ito ng respeto sa mga kalye na naging piping saksi ng kasaysayan ng bansa.

Giit kay Ocampo, “ill advised” ang gagawing pagpapalit sa pangalan ng Del Monte Avenue.

Pero para sa mga pabor sa panukalang batas na nakasalang sa dalawang kapulungan ng Kongreso, suportado nila na gawing Fernando Poe Jr. Avenue ang Del Monte Avenue dahil panahon na para ilagay sa guhit ng kasaysayan si FPJ.

Sa katunayan, mga ordinaryong Pilipino na tagahanga ng hari ng pelikulang Pilipino na kung tawagan ay “Da King” ang pumalag sa pagkontra ng ilang grupo at indibidwal sa panuakala.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Para sa mga fans ni Da King, pambabastos sa kanilang idolo ang pagtutol ng iilang grupo na tila minamaliit ang mga naiambag nito sa pelikulang Pilipino at sa buhay ng mga ordinaryong tao.

Lingid sa kaalaman ng mga hindi tunay nanakakakilala kay FPJ,maraming mahihirap na Pinoy ang natulungan nito sa tahimik na paraan at nabago ang buhay dahil sa kanya.

Hindi kailangan ni FPJ ang altar o bantayog para kilalanin ang kanyang nagawa dahil para sa masang Pilipino, siya ang itinuturing na “folk saint”o santo ng masa.

Kung ano ang mga ginagawang pagtatanggol at pagtulong ni FPJ sa mga inaapi sa kanyang mga naging pelikula, ganito rin ang ginagawa niya noon sa tunay na buhay kaya malapit sa kanya ang puso ng mga ordinaryong tao, lalo na ang mga stuntment at maliliit na mangagawa sa mundo ng pelikula.

Maraming magagandang kuwento tungkol kay FPJ ang nagpapatunay ng kanyang tunay na pagkatao at pagiging malapit sa masa kaya hindi puwedeng maliit at balewalain ito.

Kung ang batayan ng Franciscans ng pagiging santo at martyr ay ang mga naiambag at nagawa ng mga ito sa kapwa, hindi naman naiiba dito si FPJ dahil kilala itong mapagmahal , tumutulong at naglilingkod sa mahihirap.

Katunayan, kahit wala na ito ay ipinagpapatuloy ng kanyang pamilya ang naiwang legasiya nito sa pagtulong sa mga mahihirap at nangangailangan.

Ngayon ang tanong, dapat bang ipangalan ang isang kalye o lansangan sa kay FPJ? Puwedeng puwede dahil kapag nakalusot sa Kongreso ang panukalang batas , mananatili pa rin sa ilalim ng Fernando Poe Jr. Avenue ang SFDM alinsunod sa guidelines ng National Historical Commission of the Philipines (NHCP) at pareho pa rin silang maaalala bilang isang religious saint at isang santo ng masa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.