Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Fernando Poe Jr. Avenue

0 152

Marami ang natuwa sa ginawang pagpasa ng Senado sa panukalang batas na gawing Fernando Poe Jr. (FPJ) Avenue ang Roosevelt Avenue sa Quezon City, bilang pagkilala sa namayapang aktor na binansagang ‘Hari ng Pelikulang Pilipino’ o ‘Da King.’

Mismong Quezon City government sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte, pinapurihan ang naging hakbang ng Senado sa pamumuno ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III. Kung inyo pong maaalala, si Sotto ay naging campaign manager ni FPJ noong tumakbo itong presidente noong 2004 subalit nadaya ng kalaban.

Sabi ni Belmonte, ang naging hakbang ng Senado ay bilang pagkilala sa napakalaking kontribusyon ni FPJ hindi lang sa industriya ng pelikula kundi pati na rin sa kultura ng mga Filipino.

Ikinatutuwa ng alkalde na ang isa sa pangunahing kalsada sa Quezon City ay ipinangalan kay Da King. Plano ng city government na gawing ‘place of interest’ at tourist destination ang nasabing lugar sa mga darating na araw.

Ang House Bill No. 7499 na naglalayong palitan ang Roosevelt Avenue sa Quezon City patungong Fernando Poe Jr. Avenue, ay inisponsor ni Senador Manny Pacquiao. Umabot sa 22 senador ang bumoto sa third and final reading, habang si Senadora Grace Poe ay nag-abstain naman sa botohan.

Nagpasalamat naman si Sen. Poe sa pagpapatibay ng panukalang batas, lalo na sa mga senador na nagsulong nito. “I purposely abstained because of our rule that it might be a conflict of interest. But in my heart I am so happy that this has passed. So thank you very much,” wika ng senadora.

Base sa orihinal na panukala, ipapangalan din sana kay FPJ ang Del Monte Avenue na matatagpuan din sa unang distrito ng Quezon City pero naghain ng amendment si Sotto na ang Roosevelt Avenue na lamang ang palitan ang pangalan. Tinanggap naman ito ni Sen. Pacquiao na siyang chairman ng Senate committee on public works at sponsor ng panukala.

Sa ilalim ng panukala, ang Department of Public Works and Highways ang siyang magbabalangkas ng mga kaukulang hakbang para maipatupad ang probisyon ng panukala.

Maraming inaaprobahang panukalang batas ang Senado sa pagpapalit ng pangalan ng kalsada. Pero ang pagpapalit ng Roosevelt Avenue bilang Fernando Poe Jr. Avenue ay isang napakalaking hakbang upang kilalanin ang nagawa ng namayapang aktor sa ating kultura at lipunan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.