Abante Tonite Interactive

Ferrer pinabilib si Cone

By
1,443

Binibigyan ni coach Tim Cone ng extended minutes ang kanyang ibang sundalo dahil sa pagkawala ng mga pamilyar na mukha sa kanyang rotation na sina Joe Devance, Sol Mercado at Jervy Cruz.

Pati ang bagong salta mula NorthPort na si Julian Sargent, hindi pa nakakalaro sapul nang kunin ng Ginebra noong June.

“We are playing on a shorter bench because Joe is out, Sol is out, Jervy is out,” ani Cone. “Julian is out for three or four months now.”

Posibleng early October pa raw makabalik sina Devance, Mercado at Cruz.

Kontra Alaska, nasagad sa higit 44 mi­nutes si Justin Brownlee, nagkamada ng 17 points sa fourth quarter at naligtasan ng Gin Kings ang Aces 109-101 Linggo nang gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Nakadalawang panalo na sa PBA Governors’ Cup ang defending champions, babalik sa Big Dome sa Miyerkoles para harapin naman ang NorthPort.

Nasa kanyang karaniwang porma si Japeth Aguilar na umayuda ng 24 points at 10 rebounds kay Brownlee, tumapos ng 45 points at 11 boards.
Isa pa sa matikas na bunot ni Cone mula sa bench si Kevin Ferrer, kumayod ng 11 points sa loob ng 25 minutes.

Bukod sa kanyang puntos, kinailangan ding kumayod ni Ferrer sa depensa.

“Kailangan namin mag-step up lalo na ang laking kawalan sa amin nila Joe,” ani Ferrer. “‘Yun lang naman ang pinupuno namin. Kahit anong role naman ang binibigay sa amin, gagawin lang namin ‘yun at ibibigay namin ang 110 percent para manalo ‘yung team.”