Abante Tonite Interactive

Feu Student Na Sumapi Sa NPA Sinagip

775

Nasagip ng mga operatiba ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang babaeng estudyante ng Far Eastern University (FEU) na ni-recruit umano ng Anakbayan upang sumapi sa organisasyon ng CPP-New People’s Army (CPP-NPA) sa rally sa harapan ng unibersidad sa Morayta sa lungsod ng Maynila Huwebes ng hapon.

Sa ulat ni PNP-CIDG Director Police Brig. Gen. Joel Napoleon Coronel dakong alas-2:15 ng hapon nitong Huwebes nang masagip ang estudyante ng FEU na itinago sa pangalang Elvie.

Si Elvie ay nailigtas ng mga PNP-CIDG operative matapos namang dumulog sa kanilang tanggapan ang ina ng biktma na sinabing sumapi ang kanyang anak sa nasabing makakaliwang organisasyon.

Ang Anakbayan ay front organization ng CPP-NPA na ayon sa PNP at AFP ay aktibong nagre-recruit ng mga kabataang estudyante para maging miyembro ng komunistang kilusan.

Base sa salaysay ng ina ng biktima, nagpahatid ng mensahe sa kanya ang anak noong gabi ng Nobyembre 20 na sinabing nais na niyang umuwi dahil nahihirapan na siya sa pamumundok at sinabi nitong madalas ring gamitin ang mga recruit na estudyante sa mga rally upang kondenahin ang pamahalaan.

Ayon sa biktima, bababa sila sa Maynila upang lumahok sa rally sa harapan mismo ng FEU kaya dito na ikinasa ang operasyon.

Matapos ang monitoring at surveillance operation ay itinuro ng ginang sa mga awtoridad ang kanyang anak kaya agad itong iniligtas ng mga operatiba.
Magugunita ang ginang ay isa sa mga tumatangis na ina sa mga nawawala nilang estudyanteng anak na ni-recruit umano ng mga militanteng grupo. ­(Edwin Balasa)