Abante Tonite Interactive

Fil-Am, Pinoy nahulihan ng baril sa NAIA

0 350

Dalawang pasahero ang inaresto ng mga tauhan ng Police Aviation Security Group sa magkahiwalay na terminal sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa tangkang pagpuslit ng baril palabas ng bansa nitong Lunes.

Pasakay sana ang unang suspek na si Leandro Gatdula, 74-anyos at isang Filipino-American, sa Asiana Airlines flight OZ 702 na patungong Incheon, South Korea pero pinigilan ito matapos lumabas sa image ng X-ray machine scanner ang dalang .22 caliber na baril na may anim na bala at isang magazine sa kanyang bagahe sa departure area ng NAIA Terminal 1.

Isang Blackwidow revolver naman ang dala ng 34-anyos na Pilipinong si Jason Tobias na pasahero ng Philippine Airlines flight PR658 papuntang Dubai, nang pigilan ito sa North wing ng NAIA terminal 2.

Ayon sa mga airport police, lumabag ang dalawang pasahero sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Inilagay sila sa kustodiya ng aviation police para sa karagdagang imbestigasyon. (Otto Osorio)