Abante Tonite Interactive

Fil-Am trackster binasag ang 17-year nat’l record

292

Humarurot ang Fil-Am runner na si Carter Lilly sapat para sungkitin ang panibagong Philippine record pagdating sa 800 meter run sa isang track meet sa California nitong Biyernes.

Tumapos ang 23-anyos na trackster ng oras na 1:47.52 para sa second place finish, wala pang isang segundo ang lamang ni Matt Manternach na nanalo sa Bryan Clay Invitational and Multi-Events sa Cougar Athletic Stadium sa tiyempong 1:46.93.

Sa oras ni Lilly, kanyang naungusan ang record ni John Lozada sa parehong event, nag-clocking ng 1:47.77 sa Manila 2002 Asian Grand Prix.

Isa sa mga dapat abangan si Lilly sa PH athletics scene. Nakuha na ang kanyang Philippine passport, naging madali ang pagtalo kay 2017 SEA Games silver medalist Marco Vilog sa oras na 1:50.93 sa National Open sa Ilagan kamakailan lang.

Kahit ang gold medalist ng Asian meet na si Duong Van Thai mula Vietnam ay naungusan din ni Lilly.

Hindi pa naman pormal na iginagawad kay Carter ang record ng Philippine Amateur Track and Field Association dahil kailangan pang beripikahin. (Ray Mark Pat­riarca)