Abante Tonite Interactive

Fil-Norwegian Kai Paulsen kampeon sa Summer Event

158

Noli Cruz

Naging mainit pa rin ang laban sa hu­ling araw ng Metro Summer Event (MSE) sa Metro Card Club noong Lunes (Abril 15) kahit na maagang nasibak ang mga bigating pangalan sa larangan ng poker sa bansa.

Inabot ng 11 oras ang bakbakan sa lamesa bago makoronahan ang bagong hari ng tag-init sa Metro na si Kai Danilo Paulsen, isang Pinoy na naka-base sa Norway.

Tinalo ni Paulsen sa heads up play si Geno Gendrano pero nagbigay muna ng magandang laban ang huli. Nasa 4:1 ang chip ratio pabor kay Paulsen bago magsimula ang heads up pero nagawang makuha ni Gendrano ang chip lead dahil sa agresibong istilo ng laro.

Mabilis din namang nakabawi si Paulsen at tinapos niya ang laban hawak ang 6d-5c na baraha laban sa 9h-6h ni Gendrano. Kapwa tumulak ang dalawa sa flop na 4s-5s-6s na nagbigay ng two pairs kay Paulsen. Basura na ang lumabas sa turn at river kaya tuluyan na ngang naibulsa ni Paulsen ang P918,673 na premyo.

Hindi pumatak ang mga kilalang poker players natin katulad nina reigning Asia Player of the Year (APOY) Mike Takayama, multi-time Metro big event winner Lester Edoc at ang third placer sa PokerStars Players Championship noong Enero na si Marc Rivera. Laglag din ang utol ni Marc na si dating Metro big event winner Euryd Rivera (26th), ganun din ang PPPoker World Championship winner na si Richard Marquez (27th) at ang MSE champ noong 2018 na si Joseph Sia (47th).

Magtatangkang bumawi ang mga ito sa APT Philippines na aarangkada mula Abril 24 hanggang Mayo 5 sa Resorts World Manila.