Abante Tonite Interactive

Filinvest-Gotianun hinahabol sa ₱3.6B utang

446

Naniningil na ang Department of Finance (DOF) sa pagkakautang ng mga electric cooperative at independent power producer administrator (IPPA) sa Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM).

Ang PSALM ang nag-takeover sa mga generation asset, mga kontrata at obligasyon ng National P­ower Corporation (Napocor) matapos ipasa ang Electric Power Industry Reform Act noong 2001.

Sabi ng DOF, kabilang sa hindi pa rin nagbabayad ng utang sa PSALM ay ang Filinvest na pag-aari ng mga Gotianun.

Ang Filinvest ang may-ari ng FDC Utilities Inc. at FDC Misamis Power Corporation. Ang utang ng FDC Utilities Inc. sa PSALM ay nasa P1.12 bilyon habang nasa P2.56 bilyon naman ang pagkakautang ng FDC Misamis Power Corp. o kabuuang P3.68 bilyon.

Si Finance Secretary Carlos Dominguez III ang chairman ng PSALM. Ayon sa DOF, hinahamon pa ng mga IPPA sa korte ang kuwenta ng kanilang pagkakautang na sinisingil ng PSALM.

Batay sa DOF, ang mga overdue account ay inilipat sa PSALM ng Napocor matapos pagtibayin ang EPIRA Law noong 2001.

Nag-email ang Abante Tonite sa Filinvest tungkol sa isyu ngunit hindi sila tumugon o nagbigay ng pahayag. (E­ileen Mencias)