Abante Tonite Interactive

Filipino Time: NO MORE

By
286

Tampulan ka ba ng tukso dahil ikaw ang tinaguriang “Miss Leyte” ng barkada? O ‘yung tipong parating ka pa lang, sasabihin ng officemates mong “He has risen!” Kahit ano pang titulo ang ibigay sa’yo, isa lang ang gusto nilang sabihin – mahiya ka naman sa pagiging late mo.

Naging bahagi na ng kultura natin ang ‘Filipino time’. Walang katiyakan kung saan ito nagmula. Pero ilang history books ang nagsasabing namana natin ito sa mga Espanyol na nanakop sa atin nang mahi­git 400 na taon. Katuna­yan, ilang linya sa mga inakdang libro ni Jose Rizal ang nagbabanggit sa katamaran o ang na­tural na pagiging huli ng mga tao.

May kasabihan din tayong mga Filipino na “Huli man daw at maga­ling, naihahabol pa rin”. Bagay na sinusunod pa rin ng marami sa atin. Kaya buhay na buhay pa rin ang ‘Filipino time’ sa kultura natin.

Dapat unti-unti na nating baguhin ang nakagisnang ito.

Kung alam mong may maaga kang lakad o appointment kinabukasan, ihanda mo na ang isusuot mong damit gabi pa lang. Pati ang mga gamit na dadalhin mo, mas mainam ding prepared na.

Kilalanin at tanggapin mo ang pagiging late. Huwag ka nang magdahilan pa para ma-excuse lang ang sarili mo. ‘Pag naging habit na kasi ito, iisipin mong walang mali sa naturang pag-uugali.

Maglaan ka ng dagdag na oras sa iyong travel time. Kung dati, isang oras ang allowance mo – baka kailangan mo na itong doblehin lalo pa’t hindi lingid sa kaalaman mong traffic everywhere. Kung nagco-commute ka, maglaan ka ng allowance sakaling masiraan ang sinasakyang bus o jeep. Kung may sarili namang sasak­yan, maglaan ng oras sa paghahanap ng parking.
Huwag kang mag-overextend sa meeting mo para hindi ka mahuli sa susunod na appointment. Iwasan ding mag-set ng sobrang agang lakad kung hindi rin naman kayang tuparin.

Hangga’t maaari, huwag tumanggap ng imbitasyon kung ‘di kayang puntahan sa itinakda nitong oras. Reputasyon mo ang nakataya rito.
Ang sa akin lang, huwag sayangin ang oras! Hindi magandang makasanayan ang ugaling ‘Filipino time’. Maraming apektado sa pagiging huli ng isang tao. Hindi lang din ang imahe ng bansa ang naaapek­tuhan sa ganitong pag-uugali, kundi pati ang pag-­unlad nati’y apek­tado rin. Mil­yon-milyong piso ang nawawala sa kaban ng bayan dahil na rin dito.