Abante Tonite Interactive

Final na! Cardema ‘di na puwede sa youth party-list

325

Pinagtibay ng Commission on Elections (Comelec) sa kanilang pinal na desisyon ang pagdiskuwalipika kay dating Youth Commissioner Ronald Cardema bilang kinatawan ng Duterte Youth Party-list group sa Kongreso.

Iginiit ng Comelec na hindi na maaari pang ma­ging youth representative sa House of Representatives si Cardema dahil ito ay overage na.

Napapaloob sa 9 pahinang resolusyon na inaprubahan ng Comelec en banc noong Pebrero 5 na inilabas lamang kahapon, kinatigan nito ang desisyong inilabas ng Comelec First Division noong Agosto 5, 2019 na nagkakansela sa nominasyon ni Cardema bilang kinatawan ng naturang youth party-list.

Nakasaad din sa nasabing resolusyon, tinanggap na rin ng en banc ang motion to withdraw ni Cardema sa kanyang motion for reconsideration (MR) na humihiling na mabaligtad ang ginawang pagkansela sa kanyang pagiging first nominee ng Duterte Youth.

“Respondent, by his own voluntary act of withdrawing as the nominee of Duterte Youth, has finally accepted the decision of this Commission (First Division) that he is not eligible as a nominee of Duterte Youth, which decision is now final and executory,” nakasaad sa resolusyon.

Ipinunto rin ng en banc ang isinasaad sa Party-list Law na ang itinatakdang edad para sa kinatawan ng kabataan sa Kongreso ay dapat na nasa maximum age na 30-taong gulang lamang sa mismong araw ng eleksiyon.

Nabatid na si Cardema ay 34-taong gulang na nang isagawa ang May 2019 polls. (Juliet de Loza-Cudia)