Abante Tonite Interactive

Fire hazard sa gitna ng Maynila

0 123

Hindi na bago sa akin ang pagsakay ng LRT dahil madalas ko itong ginagawa kapag grabe na talaga ang bigat ng sitwasyon ng trapiko lalo sa ­kahabaan ng EDSA at madalas ay nagkikita kami ng driver ko sa lugar na pupuntahan ko.

Nitong nakaraang linggo may ­napansin ako mula sa walk-bridge na nag-uugnay mula sa LRT-2 na nasa kahabaan ng Claro M. Recto hanggang D. Jose Station ng LRT-1 na nasa kahabaan ng Rizal Avenue.

Medyo naalarma ako dahil sa lubhang napakadelikado ng mga bahay na tila kabuteng nagsulputan sa gilid mismo ng walk-bridge sa kahabaan ng Oroquieta Road bukod pa sa hindi talaga magandang tingnan kung tumatawid ka sa naturang walk-bridge.

Ayokong maging kontrabida dito, ang iniisip ko lang ay ang kalagayan ng mas marami na nasa bingit ng delikadong sitwasyon sakaling may isang ­loku-loko na ­bigla na lang magtapon ng upos ng ­sigarilyo at tiyak na maglalagablab na.

Hindi ko rin ina­atake ang lokal na pamahalaan, dahil alam naman natin kung gaano kasipag at kaapektibo ang kasalukuyang pamunuan ngunit ito ay paalala lang baka sakaling nakakaligtaan sa laki ng inaasikaso sa Maynila.

Ang sinasabi ko ay ang mga mga kabahayan mula sa Oroquieta Road hanggang sa service road ng Quezon Boulevard na hindi mo mapapansin kung wala ka sa itaas na bahagi ng lugar at mismong ang Manila City Jail ay napapaligiran na ng mga delikadong istraktura.

May nagbulong pa sa akin na dito sa loob nito nakatago ang mga printing machine at mga computer ng mga gumagawa ng illegal na dokumento sa Recto kabilang na ang National Bureau of Investigation (NBI) clearance na kamukhang-kamukha dahil bukod sa bar code at may QR code din na kahit i-scan ay binabasa na parang original.

Pero ibang pro­blema ‘yan, ang ikinakatakot ko ay mga bahay na umaabot na ng ika-apat na palapag pero gawa lamang lahat sa yero at kapag naglalakad ka sa walk-bridge ay abot-kamay ang mga kabahayan na sa ­bubong ay santambak ang mga basura.

Dati hindi naman ganoon katataas ang mga bahay doon, pero walang humpay ang pagdami, pataas nang pataas at sigurado akong walang mga building permit ang mga iyan.

Ang ginagawa nila ay magtatayo ng yerong bahay, mga ilang araw ay aalisin ang yero at nakakagulat dahil bubulaga ang konkreto ng dingding hanggang magugulat ka habang unti-unting inaalis ang yero ay unti-unti ring nagi­ging sementado na ang buong bahay.

Pero inuulit ko, hindi ako para paalisin ang mga nakatira dito, ang sa akin lang dapat silang isaayos dahil isa lamang sa mga ito ang maglagablab ay tiyak na damay ang lahat at higit sa lahat ay posibleng mahinto pa ang operasyon ng LRT-1 at LRT-2 kapag inabot ng apoy.

Kapag nahinto ang operasyon ng ­LRT-1 at LRT-2 ay hinto na ang buong Metro Manila at tiyak na mas ­gagrabe ang ­sitwasyon ng trapiko.
Nakakatakot isipin!