Abante Tonite
Mabilis sa Balita

First day high

0 211

Magkahalong emosyon ang naramdaman ko sa unang araw ng klase ko sa Far Eastern University – Manila. Isa ang FEU sa apat na kolehiyo na aking pinaglilingkuran. Masaya ako pero may kaba. Pangatlong taon ko na ito ng pagtuturo sa nabanggit na unibersidad pero sa totoo lang, kinakabahan ako ngayong academic year. Hindi lang sa mga estudyante hamon ang online classes, higit lalo sa aming mga guro.

Ibang-iba ang modalities ngayong pasukan kumpara sa nakasanayang face to face classes. Tatlo ang pagpipilian sa FEU, may tinatawag silang MOL o Mixed Online Learning kung saan puwedeng umattend o hindi ng virtual classes ang bata, depende sa kanyang kapasidad na mag-online. Marami kasing factor na posibleng maka-apekto sa online classes kabilang na ang internet speed. May tinatawag ding AOL o Asynchronous Online Learning kung saan maaaring hindi makipag-communicate via online platform ang bata basta nasa kanya na ang lectures, ipapasa na lang niya ang given activities, Mayroon ding TAL o Total Analog Learning kung saan ibibigay na nang buo sa bata ang lecture para sa isang semester at magseself-study sila. Ipapasa na lang ang activities pag natapos na ang takdang aralin.

Hamon sa mga guro kung paano ito pagsasabay-sabayin. Ang naktutuwa lang, tuluy-tuloy ang training at seminar ng mga unibersidad para hubugin ang kaalaman at kasanayan ng kanilang mga guro.

Related Posts

Sa unang araw ng klase, masaya rin akong isa lang ang lumiban sa orientation. Kung tutuusin, hindi naman sila required na mag-attend lahat ng virtual meeting, depende na lang sa pinili nilang modality. Pero kita ko sa kanila ang excitement. Nakapanghihinayang nga lang dahil maraming barriers sa online mode.

Kung minsan matatawa ka na lang, may biglang manok na titilaok. May asong tatahol. May mga kapitbahay na nagchichismisan. Dahil online ang teaching approach ngayon, tiyakin na lang nating naka-off o mute ang microphone ng mga estudyante oras na pumasok sila sa online app o platform. I-on na lang ito kung magsasalita o may tinatanong ang guro.

May delay rin ang pagsagot kung minsan ng mga bata. Mapapaisip ka na lang – naintindihan ba nila ako o sadyang malabo ang dating ko sa kanila? Talagang hamon sa mga guro ang ganitong uri ng modality. Ang nakatutuwa lang, laging handa ang mga guro sa hamon ng pagtuturo. Talaga namang gagawin ang lahat ma-satisfy lang ang pangangailangan ng mga bata.

Sa mga estudyante, huwag sanang sayangin ang pagkakataong ito. Mag-aral nang mabuti. Oo, hamon din sa inyo ang ganitong uri ng learning modality. Pero alam kong kayang -kaya ninyo ito. Ang importante, magtulungan ang mga guro at estudyante sa panibagong challenge na ito para everybody happy.

Leave A Reply

Your email address will not be published.