Abante Tonite Interactive

First-time Jobseekers Law tulong sa mga bagong tapos sa kolehiyo

326

Ang inyong Kalihim ng Gabinete, sa simula pa lamang ng ating pa­nunungkulan bilang taga-timon at panga­ngasiwa ng Cabinet Assistanc­e System at iba pang inter-agency task force na binuo ng Pangulo, ay pinagtuunan na ng pansin ang pagpapaigting ng pagtugon ng pamahalaan sa problema ng gutom at kahirapan sa bansa.

Hindi lamang kasi iilang beses naihayag ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang hangaring bigyan ng mas mabisang solusyon ang mga problemang ito, hindi lamang pagdating ng pagtatapos ng kanyang termino sa panun­ungkulan kundi maging ngayon at sa lalong madaling panahon.

Nang ipasa ng Kongreso ang panukalang First Job Seekers Act of 2019 at mailapat ang balangkas nito sa mesa ng Pangulo, ating itinulak ang agarang pagsasabatas nito dahil isa ito sa mga nakikinita nating paraan, noon pa man, bilang pinakamabisang paraan upang tuldukan natin ang mga paulit-ulit na problemang kinakaharap ng bansa sa pagkagutom ng mga nahihirapang sektor ng lipunan.

Hindi lamang dahil tayo ang principal a­uthor nitong panukala sa Kamara (House Bill No. 172), kundi malaki din ang kaugnayan nito sa mga hakbang upang ibaba ang insidente ng kahirapan.

Matapos kasing ma­bigyan ng pagkakataon ang mahihirap na makapagtapos ng pag-aaral sa pamamagitan ng Pantawid Pamil­yang Pilipino Program at ng libreng edukasyon sa pamantasan, susog ito sa pagpapatibay ng mas malaking tsansang makapagtrabaho ang mga benepisyaryo ng nasabing mga programa at matulungan ang kanilang mga pamilya.

Dahil sa Republic Act 11261 o ang First-time Jobseekers Act na nilagdaan ng Pangulo noong nakaraang buwan, libre na ang pagkuha ng mga lisensya at mga dokumentong iniisyu ng gobyerno na kinakaila­ngan ng mga bagong gradweyt sa kanilang aplikasyon sa trabaho.

Kabilang sa mga dokumentong ito ay ang police clearance certificate, ang National Bureau of Investigation clearance, barangay clearance, medical certificate mula sa pampublikong ospital, birth at marriage certificate, tax identification number o TIN, transcript of academic records mula sa mga State universities and colleges, Unified Multi-Purpose ID (UMID) card, at iba pang mga dokumentong ibinibigay ng gobyerno.

Upang makakuha ang nasabing benepisyo, kinakailangan lamang kumuha ng sertipikasyon mula sa barangay bilang patunay na ang indibidwal ay isang “first-time jobseeker.”

Maliban sa pagpapasa­tlamat sa Pangulo dahil sa maagap na pagsasabatas sa pamamagitan ng kanyang lagda sa panukalang ating inakda, pinapasalamatan din natin ang ating mga dating kasamahan sa Kongreso dahil sa kanilang pagsulong sa pagsasakatuparan ng hangaring maisabatas ito.

Nawa’y makatulong ito sa ating mga kababayan, at nawa’y marami ang makinabang dito.