Abante Tonite
Mabilis sa Balita

First-time mag-dine in

0 415

Sa bungad pa lang ng seafood restaurant na aming kinainan noong isang linggo, may nakapuwesto ng health check booth. Kinuha ang aming body temperature. Nag-fill out din ng form para sa contact tracing. May alcohol at hand sanitizer din sa pinto papasok ng kainan.

Sa totoo lang, ang weird ng feeling. First-time ko lang uli mag-dine in sa restaurant mula nang isailalim sa community quarantine ang Metro Manila. Takot, ‘yan ang naramdaman ko. Kakain ka para mabusog pero may agam-agam na baka mahawa ka ng ibang taong makakasabay mong kumain.

Kasama ko ang ang best buddy kong si Gusper. Unang beses lang din siyang kakain sa loob ng restaurant ngayong may pandemic. Kahit siya, aminadong kakaba-kaba. Pero ‘yung gutom ang nanaig sa amin. Isa pa, gusto rin siguro talaga naming ma-experience.

Sa loob ng resto, may seating arrangement. Bawal ang magkatabi. Kung may kasama, puwedeng mag-occupy ng isang table pero dapat naka-diagonal position. Hindi puwedeng literal na magkaharap.

Ang mga kubyertos, nakabalot sa plastic. Ibang-iba sa nakasanayan natin noon. Ang mga waiter at waitress, naka PPE o personal protective equipment. Bukod sa suot na face mask, may face shield din sila. Totoo naman, iba na ang nag-iingat.

Habang hinihintay ang order, napaisip ako. Ganito na ba talaga ang ‘new normal’? Nakalulungkot. Marami tayong mga bagay na talagang mamimiss natin. Kung dati, nagse-share pa sa food o kaya sa drinks. Ngayon, bawal! Siyempre, kailangang sundin ang health protocols. Sa totoo lang, di ako gumamit ng kutsara at tinidor ng resto, mas pinili kong magkamay. Of course, naghugas muna ako nang maigi ng aking mga kamay bago kumain.

Iba ang pakiramdam. Di ko maiwasang hindi tumingin sa bawat taong pumapasok sa loob ng resto. Ganun din sila sa amin. Kahit naka-mask, alam mong nakatingin sila sa’yo. May duda. ‘Yan din ang payo ng Municipal Health Officer namin dito sa bayan ng Tanza, Cavite. Para maiwasang mahawa ng COVID-19, isipin daw na bawat taong nakakasalubong o nakakasalamuha mo, infected ng virus. Sa ganung paraan, tiyak na iiwas ka sa mga tao. E di safe ka!

Nakaka-paranoid din. Kaunting bahing o samid, iisipin mo agad na baka infected ka na. O kaya naman, masama na ang tingin sa’yo ng ibang mga customer sa resto. Kumbaga, de numero ang bawat kilos. Di puwede ang dating asta na maingay at magalaw lalo na kung magto-tropa kayong magkakasama.

Ngayon, mas maraming dine-in customers na ang pinayagan, alinsunod na rin sa direktiba ng DTI. Sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ, hanggang 50% na ng operating capacity ang puwedeng kumain sa loob. Hanggang 75% naman sa mga resto at fastfood chains na nasa ilalim ng MGCQ.

Kung ako ang tatanungin, magda-drive thru na lang ako o di kaya’y magpapadeliver. Ayoko munang i-expose ang sarili ko sa loob ng resto. Nakakatakot pa rin talaga. Pero siyempre, iba-iba naman ang pananaw natin sa usaping ito. Kung tutuloy kayo sa pagkain sa labas, tiyakin lang na sumunod sa health protocols. Huwag magsisinungaling sa health declaration form na kailangang i-fill out. Mas maraming madadamay kung hindi tayo magsasabi ng totoo.

Hindi pa tapos ang laban kontra COVID-19. Ingat po tayong lahat!

Leave A Reply

Your email address will not be published.