Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Flesh-eating bacteria puwede ka bang magkaroon nito?

0 71

Marinig mo lang ang katagang flesh eating bacteria o bacteriang kumakain ng laman, nakakatakot na, hindi ba? Lalo na kapag nalaman mong maaari mo pala itong makuha sa paglangoy, partikular sa mga lawa, at sa pagkain ng mga hilaw na seafood tulad ng talaba.

Ang flesh-eating bacteria ay lumilikha ng lason na nakakasira ng mga tissues ng katawan, particular sa balat. Ang bacteria ay maaaring manggaling mula sa kumbinasyon ng iba pang bacteria kabilang ang clostridium, staphylococcus aureus (na karaniwang dahilan ng sore throat), klebsiella, e. coli o kahit ang vibrio vulnificus.

Ang vibrio vulnificus ay dumarami sa lawa at kahit sa dagat basta’t mainit ang panahon. Kadalasang pumapasok sa katawan ng tao kapag may bukas na sugat at nag-swimming sa lugar na mayroon nito o kapag nakain dahil sa hilaw na seafood.

Nakakatakot dahil puwedeng ikamatay, kung hindi magagamot agad sa loob ng 12 hanggang 24 na oras. Pero iilan lamang naman ang naaapektuhan nito.

Ang bacterial infection na ito na tinatawag ding necrotizing fasciitis ay nagsisimula sa ilalim ng balat. Mula doon, kumakalat na sa mga muscles at fats. Tinatarget ng bacteria ang mga binti, braso at loob ng tiyan.

Minsan napagkakamalang ordinaryong lagnat lang ang necrotizing fasciitis lalo na kung hindi napansin ng pasyente na mayroon na pala itong sugat na naimpeksyon. Ayon kay Dr. Rey Salinel, Jr. isang Diabetologist at Infectious Disease Specialist, kadalasang nilalagnat, sumasakit ang ulo, nagsusuka at may muscle pain ang may necrotizing fasciitis at may naimpeksyon itong sugat na ang itsura ay namumula at namamaga. Maaari ring magkaroon ng butlig butlig sa paligid ng sugat na namumula, namamaga, hanggang sa maging kulay violet ito dahil namamatay na ang tissues sa ilalim ng balat.

Kailangang mabigyan agad ng antibiotics ang mayroong ganitong problema at mapalakas ang immune system. Kung mayroong sakit na nakakapagpababa ng resistensya, kailangang maospital lalo na at mabilis lang ang pagkalat ng bacteria.

Ayon kay Dr. Salinel, hindi naman dapat mag-panic. Kailangan lang na maagapan ng antibiotics, mapalakas ang resistensya, at hugasan ang naapektuhang sugat ng sabon at tubig.

Leave A Reply

Your email address will not be published.