Abante Tonite Interactive

Florencio Campomanes kampeon sa APPT

304

Isang kababayan na naman nating poker player ang nagbigay ng karangalan sa ating bansa.

Tinalo ni Florencio Campomanes sa heads up play si Thijs Hilberts ng Netherlands para maging unang Pinoy na nagkampeon sa Asia Pacific Poker Tour (APPT) Main Event.

Kung parang pamil­yar sa inyo ang pangalan ng bagong poker champion natin, ito po ay dahil anak siya ni FIDE Honorary President Florencio Campomanes.

Kilala sa mundo ng chess ang matandang Campomanes at dalawang beses itong naging national chess champion. Namana ng batang Campomanes ang ga­ling ng kanyang ama sa pagkalkula, pero mas pinili nito na gamitin ang kanyang talento sa pagkalkula ng odds sa poker.

Mukha namang hindi siya nagkamali ng propesyong pinili. Naibulsa ni Campomanes, kilala sa tawag na Flo sa mundo ng poker, ang premyong P11,092,500. Dapat sana ay P13,042,000 ang top prize pero nagkaroon sila ng deal ni Hilberts bago ang heads up. Eksaktong P10 milyon naman ang premyong naiuwi ni Hilberts na dapat ay nasa P8 milyon lang kung walang deal na naganap.

Umabot sa 1,135 ang lumahok sa APPT Main Event na siyang pinakamalaki sa serye ng mga international events na ginanap sa Pilipinas ngayong taon.

Kaya naman lahat ng pumasok sa final table ay milyon ang nakuhang premyo.

Maganda rin ang inilaro ng numero unong player natin na si Mike Takayama na puma­ngatlo sa APPT Main Event para sa premyong P4,830,500. Puma­ngatlo rin si Takayama sa High Roller Event at sa pagkakaalam natin ay pitong pigura rin ang kanyang napanalunan.

Mukhang inspirado na ulit maglaro si Takayama matapos ang medyo maalat niyang simula ngayong taon. Aalamin natin sa susunod kung ano o sino ang inspirayson ni Takayama para maibalik ang dati niyang porma sa laro.