Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Food delivery hindi sakop ng curfew – Palasyo

0 346

Nilinaw ng Malacañang na pinapayagan ang 24/7 na food delivery kahit pa may curfew sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ).

Inihayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque na siya ring tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), matapos mag-viral ang paninita ng isang barangay tanod sa isang food delivery rider.

“Lugaw, or any food item for that matter, is considered an essential good,” sabi ni Roque.

Sinabi ni Roque na hindi kasali sa curfew ang mga naghahatid ng pagkain sa mga lugar na nasa ECQ.

Ikinukunsidera ang mga nasa food delivery service bilang authorized person outside of residence o APOR.

“24/7 ang food delivery. They are allowed,” maiksing pahayag ni Roque.

Viral ang post ng isang food delivery rider matapos siyang sitahin dahil sa paglabag sa curfew matapos maghatid ng lugaw sa isang barangay sa Bulacan.

Sa Facebook pinost ng delivery rider na si Marvin Ignacio, ang pagsita sa kanya ng isang babaeng tauhan umano mula sa San Jose Del Monte at hinarang ang pagpasok niya sa Brgy. Muzon bandang ala-1:30 ng madaling-araw.

SM food to go Banner Ad

Makikita ang babaeng hawak ang panuntunan tungkol sa mga lugar na nasa ECQ at sinabing hindi ito maaaring mag-deliver dahil hindi naman parte ng “essential goods” ang lugaw.

“Essential po ba si lugaw? Hindi… kasi mabubuhay ang tao nang walang lugaw. Ang essential tubig, gatas, groceries,” anang babae, na sinagot ng delivery rider na “Pagkain po ‘yon mam e.”

Sumagot ulit ang babae at sinabing “Hindi nga e. Eh ‘di sana lahat ng pagkain bukas.”

Inulit niyang hindi “essential”ang lugaw.

“Hindi po essential si lugaw. Sana bukas din si bakery. Mabubuhay tayo nang walang lugaw sa maghapon.”

Dahil dito, nag-trending ang hashtag na lugaw sa Twitter Philippines nitong Miyerkoles.

Sabi ng mga netizen, lahat ng pagkain ay essential. (Aileen Taliping/Prince Golez/Issa Santiago)

Leave A Reply

Your email address will not be published.