Abante Tonite Interactive

For The Record: Nililigaw tayo sa katotohanan

7

Mabuti na rin ang pagsingaw ng kung anu-anong alegasyon sa mga kandidato upang makilatis natin nang bongga ang mga ito at mapatotohanan ang kanilang mga boka.

Katulad na lamang ng ipinangangalandakan nitong si vice presidentiable Senator Bongbong Marcos na murang kuryente raw sa Ilocos kung saan nag-ugat ang kanilang angkan kaya napaboran at nakapagpatayo ng dalawang mala­laking windmills.

Ang mga tinawag na oil efficient non-renewable e­nergy, o iyong mga pinagkukunan ng kuryente na ga­ling sa kalikasan at ibig sabihin eh wala naman talagang bayad na madalas ipagmalaki ni Sen. Marcos.

Ang bokang ito ni Sen. Bongbong ay hindi sinang-­ayunan ng mga taga-Ilocos dahil napakataas daw ng s­ingil sa kuryente sa kanilang probinsiya.

Aniya, mura raw ang kuryente sa kanyang probinsiy­a dahil sa mga windmills na ito.

Sa katunayan maraming mga Ilocano ang umaaray sa pres­yo ng kuryente sa kabila ng sandamakmak na windmills sa probinsiya at taliwas ito sa propaganda ng anak ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Jr. dagdag pa nila na wala namang direktang benepisyo ang mga Ilocano sa proyektong ito.

Lumabas sa ilang pag-aaral na mas mahal ang kur­yente sa Ilocos kumpara sa mga karatig probinsiya nito na walang windmills. Hindi lamang iyan dahil mismong ang Ilocos Norte Electric Cooperative (INEC) ay umamin na hindi gaanong nakikinabang ang mga taga-Ilocos sa proyektong ito dahil ibinebenta ang kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Ang WESM ay isang merkado kung saan kinakalakal ang sobrang suplay ng kuryente mula sa source. Dapat sobrang kuryente lang.

Pero ayon sa INEC lahat ng kuryente na galing sa Bangu­i windmills ay direktang ibinebenta sa WESM, at hindi naman nakakatikim dito ang mga taga-Ilocos.

Kaya sablay ang boka ni Sen. Bongbong. Baka mas kapaki-pakinabang ang mga windmill bilang tourist attraction at hindi bilang alternatibong kuryente para sa mga Ilocano?!

***

Sa kahabaan ng kampanya sa pagkabise-presidente, mapapansin na lagi nang naghahabol si Leni Robredo sa survey. Pero dahan-dahan, dumami nang dumami ang suporta hanggang sa ngayong linggo na nga, nanguna na sa wakas sa survey ang tanging vice-presidentiable na may malinis na track record.

Si Robredo ang nanguna sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS Mobile Survey na ginawa noong April 14 sa labanan sa pagka-bise presidente kung saan nakakuha siya ng 30-percent ng voter preference.

Nakakatuwa na nakikilala at napapahalagahan na ng mamamayan ang kanyang potensyal para maluklok sa pa­ngalawang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan. Per­o hindi dito nagtatapos ang lahat, hindi muna dapat magdiwang ang mga tagasuporta ng nag-iisang babaeng kandidato.

Tandaan natin na kulang-kulang isang buwan pa ang hihintayin bago maganap ang halalan. At kakailanganin niya ang lahat ng suporta mula sa inyo. Hindi na lamang basta ikampanya ang pambato ng Camarines province­s sa Kabikolan, dapat ding proteksyonan siya sa siguradong dagsa ng paninira at black propaganda lalo pa’t nasa “homestretch” na ang kampanyahan.

Dahil sa panahong ito kasi, lalong dudumi ang pulitika, lalong magpapasingaw ng mga imbentong intriga. At dapat, kapag kinaharap ninyo ang balitang ito, bilang mga supporter ng disenteng si Leni, ipagtanggol ninyo siya. Huwag ikalat ang mga black propaganda kahit pa social media. Hangga’t maaari, balewalain. At kung may mag-uungkat na ibang tao, linawin ang isyu upang hindi maapektuhan ng mga paninira.

Sabi nga ni Leni sa paparating na isyu, “‘Yung totoo lang sana!” Pero alam naman nating marumi ang pulitika. Kahit pa ito ang mensahe at hamon ni Congresswoman Leni sa mga magtatangkang gibain ang kanyang yumayabong na popularidad.

Pero sa kabila nito, mukhang hindi naman natitinag si Robredo sa mga putik na inaasahan niyang ibabato laban sa kanya dahil wala naman daw siyang itinatago.