Abante Tonite Interactive

For The Record: Sige nga, Digong

4

Sa kahabaan ng kampanyang ito, tila alamat ang kuwento ng katapangan ni Davao City Mayor Rodrig­o Duterte. Maaksyon ang mga kuwento. Nabuo sa isip ng marami sa kanyang tagasuporta ang pagi­ging barum­bado ng aspirante. Nagamit niya ito nang hust­o upang kilalanin siya ng mga tagasuporta niya b­ilang tagapag­ligtas sa bansa nating laganap ang droga at krimen.

May mga kuwento pa nga noong 1989, na diumano’y ipinalit ni Digong ang sarili sa isang batang na-hostage para lamang mapalaya ang paslit. At k­asunod nito, naganap ang madugong engkuwentro na kung baga sa pelikula, starring Digong Duterte. Itong katapangang ito ang makakatulong para resolbahin na ang suliranin sa Abu Sayyaf Group (ASG).

Ito na ang pinakatamang panahon para kay Mayor Duterte na itanghal ang kanyang marubdob na pagnanais para makapagligtas ng maraming buhay — mga hostage man sila ng mga rebeldeng komunista o ng mga teroristang grupo.

Tutal ay laging nangunguna si Duterte sa mga n­egosasyon upang palayain ang mga hostage. Kung napatunayan niya ito sa mga rebeldeng NPA, bakit hindi niya ito magagawa sa ASG?
Kasalukuyang nasa estado tayo ng pagkamuhi. Hindi­ lamang ang bansa natin ang nakaramdam ng galit na ito. Maging ang ibang bansa, lalo na ang Canada kung saan nakatira si mining executive John Ridsdel na brutal na pinatay at pinugutan ng Abu Sayyaf.

Naganap ang karumal-dumal na krimeng ito sa kabila ng counter-offer ng kanyang mga kaanak para sa ransom upang palayain siya. Pero walang nangyari. Limang oras l­amang matapos ang palugit, natagpuan ang kanyang pugot na ulo sa isang kalye sa Jolo, Sulu noong Lunes.

Masakit ang pangyayaring iyon. Ngunit ang mas masakit ay ang naunang paglalabas ng pahayag ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau na kumukonden­a sa pagpugot bilang isang “cold-bloode­d murder”. Mas nauna pa sa pahayag ng ating sariling Pangulo ang ­Canadian Prime Minister.

Matagal nang tinik sa lalamunan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang teroristang grupo na nagkukuta sa Sulu at Basilan. Kasalukuyang hawak pa rin ng grupo ang isang Canadian, isang Norwegian at isang Pinay na kinidnap sa isang resort sa isla ng Samal, isang maikling tawid dagat mula sa Davao City kung saan p­inuno ng napakatagal na panahon si Duterte.

Hindi na maikakaila pa na si Duterte, ang nag-­iisang Mindanaoan sa mga kandidato sa pagka­pangulo ng bansa, ay nagbibitbit ng kapayapaan, pagsugpo sa kriminalidad, kaunlaran at progreso bilang mga pangunahing plataporma niya sa pagtakbo, mga platapormang hindi naman detalyado kung paano isasagawa at makakamit.

Kaya, hindi ba magandang pagkakataon na simulan niyang totohanin ang agenda at plataporma niya sa pamamagitan ng paghahain sa kanyang sarili kapalit ng mga kinidnap ng ASG? Tutal naman, dati na raw niya itong ginagawa. Tutal naman uli, sinabi niy­a noong huling debate, magje-jetski siya patungo sa mga isla ng ating bansa ng kinakamkam ng Tsin­a. O kung hindi man niya maihain ang kanyang sarili­ k­apalit ng mga hostage, bakit hindi niya igiya ang AFP sa pag-ubos sa mga teroristang grupo?

Kasi naman, madaling magbitaw ng salita. Lalo kung ang salita ay parang laging palaban, pangmaton. Hindi detalyado’t diplomatiko. Mga salitang binibitawan lagi ni Duterte. Kaya para patunayang hindi lamang siya puro satsat, sige na, sige nga, pangu­nahan na sana ni Digong ang paglipol sa ASG.