Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ford bumingo sa DTI: Palyadong Explorer pinapalitan ng bago

0 73

Kinastigo ng Department of Trade and Industry (DTI) ang Ford Group Philippines dahil sa palyado nitong sasakyan na nireklamo ng kostumer.

Batay sa court document, binili ni Noel Ascaño ang kanyang Ford Explorer, nagkakahalaga ng P2.27 milyon noong 2017, sa Dearborn Motors Co., dealer ng Ford sa Sta. Rosa, Laguna. Pero wala pang 2,000 kilometro ang tinatakbo ng kotse ay may lumabas na umanong warning sa dashboard na nagsasabing ‘rough idling’ at ‘engine service soon’.

May kakaibang kalampag din umano ang sasakyan at ayaw mamatay ng makina noong June 28, 2017. Tinapakan niya ang accelerator ngunit itim na usok lamang ang lumabas sa tambutso. Hanggang sa tumawag na siya sa Ford Sta. Rosa para ipahila ang kotse.

Humingi lang umano ng tawad ang kompanya noong August 1, 2017 pero hindi siya binigyan ng update hinggil sa kanyang kotse, hanggang sa dumulog na ito sa DTI noong September 22, 2017 para ireklamo ang Ford Sta. Rosa at Ford Group Philippines sa paglabag sa Consumer Act of the Philippines.

Hirit ng Ford Sta. Rosa, gusto daw kasi agad ni Ascaño papalitan ang unit niya at wala umano ito sa kakayanan ng dealer. Pinaalam nito ang nais ng may-ari sa Ford Group Philippines kaya sinuri ang sasakyan.

Nagpulong pa umano sila ni Ascaño, kasama ang branch manager, service manager, at ang customer relations manager ng Ford Group Philippines kung saan nagpumilit ang may-ari na palitan na ang sasakyan kahit pa pinalitan ang ibang parte nito.

Sa desisyon naman ng DTI noong October 13, 2017, sinabing nilabag ng Ford ang Article 100 ng Consumer Act tungkol sa liability for product and service imperfection. Anila, ang pagpalit ng high pressure pump, fuel injector, spark plugs ay mahalagang parte ng sasakyan at sapat nang sabihing depektibo ang Ford Explorer nang palitan ang mga ito.

Dagdag pa ng DTI, may 30 araw ang Ford Group Philippines at ang Ford Sta. Rosa para ayusin ang kapalpakan sa Ford Explorer ngunit lumampas pa sila ng mahigit dalawang buwan bago nila mabalikan si Ascaño kaya’t may karapatan itong papalitan ang sasakyan.

Inutusan ng DTI na palitan ang sasakyan ni Ascaño at pinagmulta nito ang Ford Group Philippines ng P100,000 sa paglabag ng Consumer Act of the Philippines.

Gayunman, dinala ng nasabing kompanya ang kaso sa Court of Appeals noong September 2020. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.