Abante Tonite Interactive

Foreigh Coach? Guiao, Pumaren ATBP hati sa isyu

433

WALANG partikular na batas na nagbabawal at makakapagpigil para humawak ng koponan ang mga foreign coach.

Ito ang katotohanan na matagal nang kinakaharap ng mga homegrown coach alinman sa lahat ng sports at hindi lamang partikular sa basketball.

Una nang ipinaglaban ni national coach Joseller “Yeng” Guiao ang kapakanan ng mga homegrown coach sa ilalim ng Basketball Coaches Alliance in the Philippines (BCAP) subalit hanggang sa kasalukuyan ay nananatili na lamang na bunton ng mga papel ang kanilang adhikain at ipinaglalaban sa komunidad ng sports.

Maraming isyu at punto na nabuksan sa paghahangad kasagutan ng BCAP hinggil sa pagdayo ng foreign coaches na kung saan naging tampok ang dapat na pagtugon sa polisiya na “Filipino first policy.”

Napagtagumpayan man ni Guiao na maisagawa na unahin muna ang pagpili sa kakayahan ng mga Pilipino, kasunod nito ay ang pagkuha sa serbisyo ng mga dayuhan kung sadyang wala na makakapuno sa pangangailangan para sa pagkuha sa serbisyon ng isang dayuhang coach.

Ipinaliwanag ni Guiao na maraming mahuhusay na homegrown coaches sa bansa subalit hindi nabibigyan ng tsansa dahil sa pagnanais ng pagsisilbihang koponan na agad na makapagwagi ng korona at agad makapagbigay prestihiyo sa namumuhunan na mga kompanya.

“Ang daming mga punto at concerns on that, iyung hiring of a foreign coach,” sabi ni Guiao. “Kami gusto namin puro mga Pilipino pero iba ang punto de vista naman ng gustong mag-hire sa serbisyo nila.”

Ipinaliwanag naman ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na nagaganap na sa buong mundo ang pagkuha sa serbisyo ng mga dayuhang coaches upang makakuha ng mga makabagong programa at sistema sa pagbubuo ng isang pambansang koponan.

Sinabi ni SBP Deputy Secretary General Bernie Atienza na may mga coach na hinihiram natin para sa iba’t ibang sports dahil sa nais ng bansa na transfer of technology na katulad din sa sports na basketball.

Tingin ni UST Growling Tigers head coach Aldin Ayo, nakakatulong ang mga foreign coaches hindi lamang sa programa ng sports sa mga player pati na rin sa kanilang local coaches.

“Well, personally on my part, it is helping the program, helping our sports because new ideas are introduced to the field. So, maganda para sa atin,” paliwanag ni coach Ayo.

Nang matanong kung may kawalan ba ito sa mga local coach?

“Well may disadvantage because they’re going to take a spot. Instead na Filipino ‘yung nagco-coach, they’re going to take the spot. But if we’re going to see the bigger picture, actually mas maraming coaches ang matutulungan because of course we’re going to learn new things from them.”

Opinyon naman ni Adamson Soaring Falcons head coach Franz Pumaren, “Well sa akin okay lang ‘yun. It’s a great competition but sometimes, nothing against foreign coaches, sometimes they just have to look here in our own backyard. There are a lot of competent coaches also.”

Binigay halimbawa rin ni coach Pumaren si Ateneo head coach Tab Baldwin sa magandang pamumuno nito sa koponan na may back-to-back titles.

“(coach Tab Baldwin) winning the championship the last two years is a testament, what he’s doing is good,” saad pa ni coach Pumaren.

Pananaw naman ni Ateneo standout Thirdy Ravena, “actually as a player, marami siyang (coach Tab Baldwin) naitulong sa akin in terms of basketball and how it supposed to be played. And I can’t describe kung ano ‘yung mga naituro niya sa akin pero sobrang dami and honestly I’m super grateful na naging coach ko si coach Tab. And people need to see that.”

Para naman kay veteran volleyball coach Jasper Jimenez ng Philippine Air Force Lady Jet Spikers, parehong may positive at negative side ang pag-hire ng foreign coach.

“Syempre, (bilang) isa sa mga local coach, ‘yung kakayanan naman ng foreign is kaya naman ng local coaches, so may positive side may negative side. Pero sa akin negative siya,” sabi nito.

Kung si veteran Army player at national team member Jovelyn Gonzaga ang tatanungin, maganda ang naibabahaging programang hatid ng mga foreign coach sa bansa.

“Siguro nagiging advantage kasi nase-share nila ‘yung training program, naiiba ‘yung training program. Like for example coach Tai (Bundit), like kina coach Air (Padda), kung ano man ‘yung nakasanayang training program dun nadadala nila dito sa atin,” sabi ni Gonzaga. (Lito Oredo, Janiel Abby Toralba at Aivan Denzel Episcope)