Abante Tonite Interactive

‘Fortune favors the bold’

162

Tanging si Ricardo Torres lang ang Pinoy na nakapasok sa final table ng Main Event sa Manila Open Poker Tour (MOPT).

Pero siya ang chip leader papasok sa final table sa hawak na 3,580,000 chips kaya malaki ang tsansa na local player pa rin ang magwawagi.

Hindi nga lang iyon nangyari dahil ang short stack na si Alex Xiang Lee ang nakapag-uwi ng titulo at top prize na P4,282,000.

Mahigit 800,000 lang ang chips ni Lee sa pagsisimula ng final table pero sa halip na mag-ingat ay naging agresibo ito sa laro.

Pinaboran ng suwerte ang pagiging agresibo ni Lee kaya mabilis siyang nakabawi at nasa kanya lahat ang momentum bago ang heads up play nila ng eventual runner-up na si Jun Obara ng Japan.

Nakapagbulsa ng P3,621,000 si Obara.

Inalat naman nang husto sa final table si Torres at nakuntento sa ika-anim na puwesto at premyong P1,035,500.

Halos parehas ang dami ng bilang ng foreign at Filipino players sa MOPT.

Dahil na rin siguro ito sa mas pinili ng mga player natin na dumalaw sa mga yumaong mahal sa buhay noong Undas kaysa maglaro ng poker.

Noong Nobyembre 1 ay sumali ang inyong lingkod sa Super Satellite para sa Main Event ng MOPT.

Sa 63 na sumali ay mahigit kalahati sa tantiya ko ang foreigners.

Kaya naman noong last two tables na lang kami ay dalawa na lang din kaming Pinoy na natira.

Ako na lang ang Pinoy nang tig-anim na lang ang nalabi sa two tables at na-eliminate ako ng isang Haponesa.

Pocket queens ang hawak ko nang itulak ko ang aking chips pero nilaban at tinalo ito ng 5-4.

Dalawang kuwatro kasi ang lumabas sa community cards. Sabi nga, fortune favors the bold daw.